Calendar
Kabataan Party-list Rep. Renee Co
Prosecution maaaring hilingin na maglaan ng upuan para kay VP Sara sa impeachment trial
MAAARING hilingin ng prosecution panel sa impeachment court ng Senado na maglaan ng pisikal na upuan para kay Vice President Sara Z. Duterte sa kanyang impeachment trial, upang ipakita sa publiko na may nakahandang lugar para sa respondent na opisyal kung nanaisin nitong humarap at personal na lumahok sa kanyang depensa, pahayag noong Lunes ni House trial spokesperson Rep. Renee Co ng Kabataan Party-list.
“Dapat makita ng taumbayan na may upuan para sa Pangalawang Pangulo. Kung nanaisin niyang humarap, makinig at sumagot, naniniwala kami na nararapat lamang na may nakalaang upuan para sa kanya sa impeachment court,” ani Co.
Ayon kay Co, ang posibleng kahilingan ay naaayon sa ginawa sa mga pagdinig ng House committee on justice, kung saan may nakalaang upuan para kay Duterte at paulit-ulit na binigyang-diin ni Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, ang lead prosecutor, na bukas ang komite sa kanyang pagdalo at depensa.
“Ginawa na ito sa House justice committee para malinaw sa lahat na hindi sarado ang pinto sa kanya. May upuan, may pagkakataon at may forum kung nais niyang ipaliwanag ang kanyang panig,” paliwanag ni Co.
Nilinaw ni Co na ang naturang kahilingan ay hindi layuning pilitin si Duterte, kundi upang ipakita na ang impeachment ay isang prosesong konstitusyonal kung saan parehong binibigyan ng buong pagkakataon ang prosekusyon at ang respondent na marinig.
“Hindi ito pang-pressure, hindi ito palabas, at hindi ito panghihiya. Simple lang ang mensahe natin: bukas ang proseso, didinggin ang bawat panig, at handa ang impeachment court na makinig,” dagdag niya.
Nanindigan ang prosecution panel na dapat magpatuloy ang impeachment trial sa Hulyo 6 sa harap ng impeachment court ng Senado, kung saan ilalahad ang ebidensiya kaugnay ng Articles of Impeachment laban kay Duterte.
“Sa July 6, ang mahalaga ay magsimula ang paglilitis at marinig ng taumbayan ang ebidensiya. Kung darating siya, may lugar siya; kung hindi, magpapatuloy pa rin ang proseso sa ilalim ng Saligang Batas,” ani Co.
Kinilala ni Co na maaaring katawanin si Duterte ng kanyang mga abogado, ngunit sinabi niyang may ibang kahulugan sa publiko ang personal na pagharap ng isang opisyal sa isang prosesong konstitusyonal na kinasasangkutan ng pangalawang pinakamataas na pinuno ng bansa.
“May abogado siya, ngunit iba rin ang mensahe kapag personal na humaharap sa taumbayan ang isang opisyal. Kapag impeachment ang usapan, hindi lamang mga abogado ang pinakikinggan ng publiko, kundi kung handa bang humarap ang opisyal sa tanong ng pananagutan,” diin niya.
Dagdag pa niya, makatutulong din ang paglalaan ng upuan upang tugunan ang mga alegasyong hindi nabibigyan ng due process si Duterte, dahil malinaw na makikita na siya ay may abiso, representasyon, at nakalaang lugar sa proseso.
“Ito ang malinaw na sagot sa mga magsasabing hindi siya binibigyan ng pagkakataong idepensa ang kanyang sarili,” ani Co.
Ayon kay Co, nananatiling nakatuon ang prosekusyon sa ebidensiya, due process at pananagutan sa publiko, at hindi sa paggawa ng ispektakulo ang posibleng pagdalo o hindi pagdalo ni Duterte.
“Ang mahalaga sa amin ay mailatag ang ebidensiya, masunod ang proseso at makita ng publiko na ang pananagutan ay dinadaan sa maayos, makatarungan at bukas na paglilitis,” ani Co.
