Gatchalian1

Gatchalian: Senado handa na sa impeachment trial ni Duterte

40 Views

SINABI ni Senate President Sherwin “Win” Gatchalian na handa na ang Senado para sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte matapos inspeksyunin ang bulwagan, mga silid at iba pang pasilidad na gagamitin sa paglilitis.

Nagsagawa si Gatchalian ng walkthrough sa Senate building nitong Martes, Hunyo 30, upang tingnan ang kondisyon, ayos at kahandaan ng mga lugar na ilalaan para sa mga senator-judge, prosecution, defense, testigo, court personnel, media at publiko.

“We’re on track, and even though the space is limited, we’ve managed to put everything in order. I understand the prosecution will come here to inspect its area. We will give both the defense and the prosecution the opportunity to inspect their respective areas within the week,” ani Gatchalian.

“We are very prepared. We are ready. In fact, today is the physical inspection, and we will continue to make improvements as we go along,” dagdag pa niya.

Kasama ni Gatchalian sa inspeksyon sina Senate Secretary at Impeachment Court Clerk Renato Bantug Jr. at iba pang opisyal ng Senado.

Sinabi ng lider ng Senado na papayagan ang prosecution at defense panels na inspeksyunin ang kani-kanilang lugar sa loob ng linggong ito upang matugunan ang anumang problema sa espasyo at logistics bago magsimula ang trial.

Nakatakdang magsimula ang impeachment trial laban kay Duterte sa Hulyo 6, 2026.

Sa paglilitis, uupo ang Senado bilang impeachment court, habang magsisilbing mga hukom ang mga senador sa kasong isinampa laban sa Bise Presidente.

Nauna nang sinabi ni Gatchalian na maaaring tumagal nang pito hanggang walong buwan ang trial, depende sa takbo ng proceedings, presentasyon ng ebidensya, testimonya ng mga testigo at procedural motions.

Kakailanganin ang boto ng hindi bababa sa two-thirds ng lahat ng miyembro ng Senado upang ma-convict si Duterte. Kapag napatunayang guilty, maaari siyang matanggal sa puwesto at madiskuwalipika sa paghawak ng anumang posisyon sa gobyerno.

Nakasaad sa impeachment complaint laban kay Duterte ang mga alegasyon kaugnay ng paggamit ng pondo ng bayan, unexplained wealth at umano’y pagbabanta laban sa matataas na opisyal ng pamahalaan. Itinanggi ni Duterte ang mga alegasyon.

Ang walkthrough sa Senate chamber ay bahagi ng paghahanda ng Senado bago magsimula ang impeachment proceedings.