Barbers

Barbers: Hiwalay ang kasong plunder vs Marcoleta sa impeachment trial ni VP Duterte

38 Views

SINABI nitong Huwebes ni dating Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, tagapagsalita ng House Prosecution Panel at tagapayo sa impeachment trial, na ganap na hiwalay sa nakatakdang impeachment trial sa Senado ni Bise Presidente Sara Duterte ang nalalapit na pagsasampa ng kasong plunder at ang napaulat na paglalabas ng warrant of arrest laban kay Sen. Rodante Marcoleta.

Pinasinungalingan ni Barbers ang mga pahayag na bahagi umano ng isang koordinadong hakbang ang kaso laban kay Marcoleta upang pigilan ang senador na makalahok sa impeachment proceedings.

Binigyang-diin niya na ang mga legal na isyung kinakaharap ni Marcoleta ay nagmumula sa mga usaping walang kaugnayan sa impeachment case.

Ayon kay Barbers, malinaw ang pahayag ng Office of the Ombudsman na ang reklamo laban kay Marcoleta ay nag-ugat sa mismong pag-amin ng senador na tumanggap siya ng P75 milyon mula sa tatlong “kaibigan” bilang campaign funds, ngunit umano’y hindi niya ito idineklara sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) at Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) para sa halalan noong Mayo 2025.

“Well, nirerespeto ko ang kanyang (Marcoleta) opinyon. Sa katunayan, karapatan niya na magkaroon ng ganoong paniniwala. Kaibigan natin si Sen. Marcoleta. Pero para sa akin, sa personal kong pananaw, walang kinalaman sa impeachment na ito ang kasong kakaharapin niya,” ani Barbers.

Ipinaliwanag ng dating mambabatas mula sa Mindanao na kumilos lamang ang Office of the Ombudsman batay sa impormasyong isinapubliko mismo ni Marcoleta tungkol sa campaign funds na inamin niyang natanggap habang siya ay kinatawan pa ng Sagip Party-list.

Ayon kay Barbers, batay sa posisyon ng Ombudsman, ang sariling mga pahayag ni Marcoleta ang naging dahilan upang agad umaksyon ang anti-graft body ng pamahalaan. Dahil dito, ang kasong kinakaharap ng senador ay hiwalay na usapin at dapat dumaan sa tamang proseso nang walang kaugnayan sa anumang pangyayaring pampulitika.

“Sabi ng Office of the Ombudsman, nanggaling sa kanya ang admission o revelation. At dahil sa impormasyong iyon, agad na umaksyon ang anti-graft body ng gobyerno. Ibang problema na dapat resolbahin ni Sen. Marcoleta iyan. Pero wala itong kinalaman sa impeachment trial ni VP Sara Duterte,” ani Barbers.

Binigyang-diin niya na haka-haka lamang at walang sapat na batayan ang pag-uugnay sa legal na suliranin ni Marcoleta sa impeachment trial.

Ayon pa kay Barbers, ang mga hakbang ng Ombudsman ay nakabatay sa impormasyong isinapubliko mismo ng senador.

Muli niyang iginiit na hindi dapat ipaghalo ang impeachment proceedings sa Senado laban kay Bise Presidente Duterte at ang mga legal na isyung kinakaharap ng mga indibiduwal na senador. Aniya, ang dalawang prosesong ito ay dapat hayaang magpatuloy nang magkahiwalay at alinsunod sa batas.

“Pero wala itong kinalaman sa impeachment trial ni VP Sara Duterte,” pagtatapos ni Barbers.

Marcoleta handang maaresto

Samantala, sinabi ni Marcoleta na handa siyang maaresto kung kinakailangan, habang naghahanda umano ng kaso ang Office of the Ombudsman laban sa kanya kaugnay ng umano’y campaign assistance na natanggap niya noong nakaraang halalan.

Sa harap ng mga tagasuportang nagtipon sa kabila ng ulan, itinanggi ni Marcoleta ang anumang maling ginawa at sinabing ang kanilang pagtitipon ay panawagan para sa “katotohanan, transparency at accountability.”

“Nakahanda po akong magpakulong kung kinakailangang maaresto po ako, wala pong problema,” sabi ni Marcoleta.

Umano’y nagpapatuloy ang Ombudsman sa paghahanda ng kaso laban kay Marcoleta, pero wala pang opisyal na kumpirmasyon na naihain na ang kaso.

Itinanggi ni Marcoleta na siya ay nagnakaw ng pondo ng bayan o kasangkot sa umano’y iregularidad sa flood control projects.

“Sana man lang may ninakaw ako. Sana man lang kasama ako sa mga mandarambong,” sabi niya.

Ayon sa senador, ang ibinibintang sa kanya ay may kinalaman sa campaign assistance mula sa mga pribadong kaibigan.

“Ako po, ang ibinibintang nila sa akin ay salaping pantulong para sa kampanya para ako ay manalong isang senador,” sabi ni Marcoleta.

Kinuwestiyon din niya kung bakit siya ang pinupuntirya sa halip na ang mga umano’y sangkot sa paglustay ng pondo ng bayan.

“Bakit ang Ombudsman ang nagagalit sa akin? Hindi ba dapat tulungan pa nila ako?” sabi niya.

Binasa rin ni Marcoleta ang pambungad ng 1987 Constitution at sinabing nakabatay ang pagtitipon sa katarungan, katotohanan, pananagutan at pambansang interes.

“Huwag po tayong maghiwa-hiwalay,” sabi ni Marcoleta sa kanyang mga tagasuporta. “We are one, we are one, we are one!” Nina RYAN PONCE PACPACO & PS JUN M. SARMIENTO