Tulfo1

Implementasyon ng Juvenile Justice law rerepasuhin ni Sen. Erwin

32 Views

MAGSASAGAWA ng pagrepaso ang komite ni Sen. Erwin Tulfo sa implementasyon ng Juvenile Justice and Welfare Act para suriin ang mga kakulangan sa pagpapatupad ng Republic Act No. 9344 (Juvenile Justice and Welfare Act of 2006).

Ang planong pagrepaso ay kasunod ng mga seryosong insidente na kinasangkutan ng mga menor de edad, kabilang ang Tacloban school shooting at mga pananaksak sa Negros Occidental at Cavite.

“I have repeatedly raised the alarm about the implementation of this law because on a practical sense, there are really glaring gaps in its implementation,” ani Tulfo.

Maraming biktima ang humingi ng tulong sa nakalipas na mga taon dahil nadama nilang wala silang magawa sa ilalim ng implementasyon ng batas.

Inaasahang tatalakayin sa committee review ang kakulangan sa functional Bahay Pag-asa facilities, bisa ng intervention programs para sa children in conflict with the law at children at risk, at pagpapatupad ng parental accountability.

Ang Bahay Pag-asa ay youth care facility na layong magbigay ng pansamantalang pangangalaga, rehabilitation at intervention para sa children in conflict with the law.

Ang children in conflict with the law ay tumutukoy sa mga menor de edad na inaakusahan, napatunayang sangkot, o sinasabing nakagawa ng paglabag, habang ang children at risk ay mga menor de edad na itinuturing na vulnerable sa posibleng pagkakasangkot sa paglabag dahil sa kalagayan sa pamilya, komunidad o lipunan.

Rerepasuhin din ng komite ang mga sensitibong probisyon ng batas, kabilang ang age threshold para sa criminal liability.

Ayon kay Tulfo, layunin ng review na tugunan ang mga kakulangan sa implementasyon habang binabalanse ang hustisya para sa mga biktima at rehabilitation para sa mga menor-de-edad.