House

Paglilitis kay Duterte sisimulan sa preliminaries bago humarap mga testigo

47 Views

INAASAHANG magsisimula sa preliminary matters ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte bago dinggin ng Senate impeachment court ang mga testigo at ebidensya, ayon kay Senate President Sherwin Gatchalian.

Ang aktuwal na paglilitis, kabilang ang pagharap ng mga testigo at paglalahad ng ebidensya, ay inaasahang magsisimula sa Martes, sabi ni Gatchalian

“Yung actual trial will be on Tuesday. So sa Tuesday mag-umpisa magpatawag ng testigo, maririnig ang testigo, doon rin natin makikita ang mga ebidensya ang ipapresenta,” sabi ni Gatchalian.

Uunahin munang resolbahin ng impeachment court ang ilang nakabinbing usapin, ngunit tumanggi siyang tukuyin ang mga ito bago ang pormal na proceedings.

“Hindi ko muna i-pre-preempt kung ano ang mga bagay na ’yan,” sabi ni Gatchalian. “Makikita niyo bukas ang resolutions niyan. So bukas natin maririnig kung ano magiging decision ng impeachment court.”

Ayon kay Gatchalian, mahalagang hindi lamang masundan ng publiko ang impeachment trial kundi maintindihan din ang proseso.

Dapat gawing simple at madaling unawain ang proceedings para sa karaniwang mamamayan.

Tiniyak din ni Gatchalian na magpapatuloy ang impeachment trial sa kabila ng posibleng ingay sa politika at iba pang isyung bumabalot sa Senado.

“Ang impeachment trial tuloy-tuloy ’yan,” aniya. “Sa rules natin very clear na dapat halos araw-araw para matapos kaagad.”

Direksyon ng senator-judges na matapos agad ang paglilitis dahil kailangan ding asikasuhin ng Senado ang national budget, mga nakabinbing panukala at iba pang imbestigasyon.

Ayon sa kanya, inaasahang darating sa Agosto ang panukalang national budget, habang may nasa 50 panukalang batas at ilang imbestigasyon pang nakapila, kabilang ang mga usapin sa flood control, Tacloban shooting at letters of authority ng Bureau of Internal Revenue.

“Yan ang aking pinakamalaking concern,” sabi ni Gatchalian, sabay diin na kailangang magpatuloy ang trabaho ng Senado habang isinasagawa ang impeachment trial.

Ayon kay Gatchalian, kung may mga senador na nais pang maghain ng usapin tungkol sa liderato o internal matters ng Senado, dapat itong gawin sa Senado bilang legislative body at hindi sa impeachment proceedings.

Mahalaga ang presensya ng mga senador sa trial upang personal nilang marinig ang ebidensya at makalahok sa proceedings, kabilang ang pagtatanong sa mga testigo, prosecution at defense.

Ayon kay Gatchalian, layunin ng impeachment court na dinggin ang ebidensya, pakinggan ang mga testigo at desisyunan ang kaso.

“Sabi nga sa ating Saligang Batas, try and decide. Dapat agad-agad matapos,” sabi ni Gatchalian.