Bam

Aquino nais isapubliko ebidensya sa VP Sara trial

135 Views

HIHILINGIN ni Sen. Paolo Benigno “Bam” Aquino IV sa Senate impeachment court na isapubliko ang lahat ng ebidensyang ihaharap sa paglilitis kay Vice President Sara Duterte.

Maghahain siya ng mosyon sa unang linggo ng paglilitis, na magsisimula sa Lunes, July 6.

Dapat masubaybayan ng publiko ang paglilitis at makabuo ng sariling pananaw batay sa ebidensya.

Nahaharap si Duterte sa impeachment allegations na kinabibilangan ng graft and corruption, betrayal of public trust, bribery, at high crimes.

Ayon kay Aquino, mabigat na proseso ang impeachment dahil maaari nitong alisin sa pwesto ang isang halal na opisyal at baguhin ang pasya ng mga botante.

Hinimok niya ang publiko na panoorin ang paglilitis, bumuo ng sariling opinyon, at mag-ingat sa misinformation.

“Sa ating mga kababayan: manood, magmasid, at makilahok. Bumuo ng sariling opinyon, at mag-ingat sa misinformation,” sinabi ni Aquino.

Gagamitin niya ang kanyang social media pages upang makalap ang mga tanong at paksang nais iparating ng publiko habang nagpapatuloy ang paglilitis.

“Gagamitin namin ang aming social media pages para makalap ang mga tanong at mga paksa na mahalaga po sa publiko,” sinabi niya.

Nangako si Aquino na susuriin niya ang ebidensya at itutulak ang patas na paglilitis.

“Ito po ang ating pangako: Hihimayin namin ang ebidensya. Sisiguraduhin namin na magiging patas ang paglilitis. Walang kulay, walang kaibigan, walang kaaway. At boboto po tayo ayon sa ebidensya,” sinabi ni Aquino.