Sara

Pagbibitiw di mabubura pananagutan ni VP Sara

45 Views

SINABI noong Lunes ng mga tagapagsalita ng House prosecution na sina Zia Alonto Adiong ng Lanao del Sur at Renee Louise Co ng Kabataan Party-list, kasama ang legal spokesperson na si Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr., na ang posibleng pagbibitiw sa puwesto ni Bise Presidente Sara Z. Duterte ay hindi mag-aalis ng kanyang pananagutan at hindi rin awtomatikong magtatapos sa proseso ng impeachment.

Bilang tugon sa tanong ng isang mamamahayag sa isinagawang press conference sa Senado noong Lunes, sinabi ni Adiong na ang impeachment ay isang prosesong pangkonstitusyon para sa pananagutan at hindi isang nasayang na pagsisikap.

“Hindi naman ho masasayang dahil unang-una, pananagutan po ang pinag-uusapan natin dito,” ani Alonto Adiong.

Ayon sa kanya, dapat magpatuloy ang paglilitis dahil kailangan pa ring dinggin at pagdesisyunan ang mga alegasyong nakasaad sa Articles of Impeachment.

“The trial will continue, the trial must continue because the resignation does not automatically condone the acts committed,” ani Alonto Adiong.

Sinabi rin niya na nagampanan na ng Kamara ang tungkulin nitong i-impeach si Duterte, at ang susunod na hakbang na itinakda ng Konstitusyon ay ang paglilitis at pagdedesisyon ng Senado.

“Na-impeach na po siya, as far as the House of Representatives is concerned, na-impeach na po siya, so the procedural conclusion from that stage, according to the Constitution, is for the Senate to try and decide,” aniya.

Dagdag pa niya, maaaring magbitiw ang isang opisyal ng gobyerno, ngunit hindi maaaring gawing opsyonal ang pananagutan.

“Resignation is an option given to all public officers, either appointed or elected. Accountability should not be made as an optional issue,” ani Alonto Adiong.

Samantala, sinabi ni Co na ang pagbibitiw ay sasagot lamang sa tanong kung mananatili pa ba si Duterte sa kanyang posisyon, ngunit hindi nito tinutugunan ang pinakadiwa ng kaso.

“Wala pong sayang sa proseso ng pananagutan. If ever it comes to that, resignation only evades accountability,” ani Co.

Ayon sa kanya, hindi rin masasagot ng pagbibitiw ang apat na Articles of Impeachment o ang usapin ng posibleng permanente o habambuhay na diskwalipikasyon sa paghawak ng anumang pampublikong posisyon.

“It only answers the question of occupation of office. Hindi pa nito sinasagot ‘yung four Articles of Impeachment, hindi nito sinasagot ‘yung other constitutional, ipinapataw na permanent or perpetual disqualification from office,” dagdag niya.

Iginiit din ni Co na handa ang House prosecution panel na ipagpatuloy ang paglilitis anuman ang maging mga susunod na pangyayari.

“The trial is promised to the Filipino people today. We will continue regardless kung ano pong maging development.”

Samantala, sinabi ni Tolosa na ang tanong ay nakabatay sa palagay na matatapos ang kaso kapag nagbitiw ang bise presidente, ngunit ayon sa kanilang panig, may dalawang parusang itinakda ang Konstitusyon sa impeachment.

“Dalawa ang penalty dito sa constitutional impeachment: removal and perpetual disqualification from holding public office,” ani Tolosa.

Binanggit niya ang isang desisyon ng Korte Suprema sa isang kasong administratibo kung saan hindi natapos ang kaso sa kabila ng pagbibitiw ng opisyal dahil maaari pa ring ipataw ang iba pang parusa.

“The resignation does not render the entire proceedings moot dahil again mayroon pang other penalties,” ani Tolosa.

Ayon pa kay Tolosa, mas nararapat pang ipatupad ang prinsipyong ito sa impeachment case ni Duterte dahil sa bigat ng mga paratang laban sa kanya.

“Here we’re talking about billions of financial transactions, hundreds of millions of confidential funds,” aniya.

Para sa House prosecution panel, maaaring wakasan ng pagbibitiw ang panunungkulan sa puwesto, ngunit hindi nito binubura ang mga sinasabing nagawang paglabag, ang mga Articles of Impeachment, o ang tungkulin ng impeachment court ng Senado na litisin at pagdesisyunan ang kaso.