Calendar
Impeachment ni VP Sara dapat maunawaan ng mga ordinaryong Pilipino -Barbers
IGINIGIIT ni impeachment adviser at dating Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace S. Barbers na dapat maunawaan ng mga karaniwang Pilipino ang paglilitis laban kay Vice President Sara Z. Duterte upang lubos na maunawaan ng mamamayan ang proseso ng impeachment.
Ipinaliwanag ni Barbers, spokesperson din ng House prosecution panel, na dapat isagawa at maipaliwanag ang impeachment trial ni Duterte sa paraang mauunawaan ng karaniwang Pilipino at hindi lamang ng mga abogado, mga taong kabilang sa sistemang legal at mga personalidad sa politika.
“We agreed really that when we speak, especially when we know that a lot of Filipinos are watching, dapat pwedeng Tagalog-in, except for some technical terms,” ayon kay Barbers.
Sinabi nibBarbers na isinusulong ng prosecution team ang paggamit ng Ingles at Tagalog sa paglilitis upang mas maunawaan ng publiko ang mga isyu, ebidensya at mga proseso sa kasong kinasasangkutan ng ikalawang pinakamataas na opisyal ng bansa.
“Well, napaka-importante nito, because there will be a lot of Filipinos watching. And because of this, dapat maintindihan nila yung masalimuot na proseso ng impeachment,” wika ni Barbers.
Pormal ng binuksan ang impeachment trial ni VP Duterte sa Senado kung saan inaasahang tatalakayin ang mga alegasyon ng umano’y maling paggamit ng pondo ng gobyerno, hindi maipaliwanag na yaman at mga banta laban kina President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. at iba pang opisyal ng pamahalaan.
“And it’s not very easy to educate people about the process. Kaya nga kung makakasalita tayo sa ating wika na Tagalog, it will now become more relatable and understandable to ordinary mamamayang Pilipino,” paliwanag ni Barbers.
Para kay Barbers, hindi dapat maging isang teknikal na usaping panghukuman lamang ang paglilitis dahil ang magiging resulta nito at ang mga isyung tinatalakay ay may direktang epekto sa publiko at sa sistemang konstitusyonal ng pananagutan.
“Yun ang objective. Of course, hindi lang dapat ito limitado sa mga abogado,” pagbibigay diin ng dating kongresista.
Sinabi rin ni Barbers na maging ang mga Pilipinong walang legal o pampulitikang kaalaman ay dapat na masundan ang mga nangyayari sa paglilitis, kabilang ang paghaharap ng mga ebidensya at testimonya.
“Siguro dapat ‘yung ordinaryong mamamayan, kahit po ‘yung ating mga fisher folks and ordinary farmers, dapat nakakaintindi rin dahil napakahalaga nitong usapin tungkol sa impeachment because it affects the lives of every Filipino,” ani Barbers.
Ayon pa kay Barbers, kabilang sa mga usaping procedural na inaasahang pagdedesisyunan ng impeachment court ang paggamit ng wikang Tagalog sa paglilitis.
“Isa yan sa mga i-resolve, Atty. Karen. Kasi may mga ayaw eh,” ani Barbers.

