Hot News

Senate Impeachment Court pinapa-subpoena 2 opisyal ng NBI

54 Views

NBIINIUTOS ng Senate Impeachment Court ang pagpapalabas ng subpoena sa dalawang opisyal ng National Bureau of Investigation (NBI) na inaasahang tumestigo kaugnay ng Article IV sa impeachment trial ni Bise Presidente Sara Z. Duterte.

Inilabas ni Presiding Officer Senador Francis “Chiz” Escudero ang kautusan matapos basahin ng clerk of court ang kahilingan ng prosekusyon na magpalabas ng subpoena kina Atty. Jeremy Lotoc, regional director ng NBI, at John Mark Calilung, senior agent ng NBI.

Layunin ng kahilingan na obligahin ang dalawang opisyal na humarap at tumestigo sa impeachment court sa Hulyo 6, Hulyo 7, at Hulyo 8, 2026, ganap na alas-2 ng hapon.

Ayon sa clerk of court, ang kanilang testimonya ay “mahalaga, may kaugnayan, at kinakailangan” upang mapatunayan ang mga alegasyong nakasaad sa Article IV ng Articles of Impeachment, pati na rin ang iba pang mga usaping may kaugnayan dito.

Nakasaad din sa kahilingan na ang dalawang testigo ay haharap upang tumulong sa pagkilala at pagpapatunay (identification at authentication) ng iba pang mga ebidensiyang ihaharap sa impeachment court.

Sinabi ni Escudero na nakalista ang pangalan ng dalawang opisyal sa pre-trial brief ng prosekusyon at walang naging pagtutol o pagtalakay tungkol sa kanila sa pre-trial brief ng kampo ng respondent. Binigyan muna niya ng pagkakataon ang depensa na maghain ng anumang pagtutol bago siya nagpasya.

Kalaunan ay pinagbigyan ni Escudero ang kahilingan.

“Iniuutos ng upuan ang pagpapalabas ng subpoena ad testificandum at subpoena duces tecum laban sa nabanggit na dalawang opisyal ng NBI,” ani Escudero.

Sa kautusang ito, nabigyang-daan ang pagtawag sa dalawang opisyal ng NBI bilang mga testigo habang sinisimulan ng prosekusyon ang pagtalakay sa Article IV.