Calendar
PCG-NY nakiisa sa 36th PAFCOM Friendship Day



UMARANGKADA kamakailan sa makulay na parada, indayog ng sayawan, at nagniningning na diwa ng bayanihan ang ika-36 Philippine-American Friendship Day Grand Parade and Festival na ginanap sa Jersey City, New Jersey.
Nakiisa ang Philippine Consulate General sa New York, sa pamumuno ni Consul General Senen T. Mangalile, sa libo-libong Filipino-American na naninirahan sa itinuturing na sentro ng kulturang Pinoy sa New Jersey na tahanan ng mahigit 16,000 kababayan.
Ang taunang selebrasyon ay matagumpay na inorganisa ng Philippine American Friendship Community, Inc. (PAFCOM).
Nagsimula ang aktibidad sa interseksyon ng West Side at Claremont Avenues kung saan naghatid ng mga mensaheng puno ng inspirasyon ang mga opisyal ng PAFCOM, ang mga Grand Marshal na sina Dr. Rod at Elma Castillo, Jersey City Mayor James Solomon, mga opisyal ng Hudson County, at si Consul General Mangalile.
Personal na pinangunahan nina Consul General Mangalile at Mayor Solomon ang martsa bilang simbolo ng matatag na alyansa at pagkakaisa ng Pilipinas at Estados Unidos.
Naging masigla rin ang parada sa pakikibahagi ng iba’t ibang organisasyong sibiko, rehiyonal, at pangkomunidad mula sa mga estado ng New York, New Jersey, Connecticut, at Pennsylvania.
Nagtapos ang pagdiriwang sa Lincoln Park sa pamamagitan ng isang engrandeng programa sa hapon na tinampukan ng mga tradisyunal na sayaw at kantang Pilipino.

