Adiong

VP Sara di nagpakita sa pagbubukas ng Senate impeachment trial

Mar Rodriguez Jul 6, 2026
46 Views

NO SHOW ang akusadong si Vice President Sara Z. Duterte sa pormal na pagsisimula o pag-arangkada ng Senate impeachment trial laban sa Pangalawang Pangulo.

Bagama’t hindi personal o pisikal na dumalo si VP Duterte sa pormal na pagbubukas ng paglilitis laban sa kaniya. Ito naman ay iprinesenta ng kaniyang mga legal counsel sa pangunguna ng lead counsel nito na si Atty. Sheila Sison.

Kasabay nito, hinimok naman ni House prosecution panel spokesperson at Lanao del Sur 1st District Rep. Zia Alonto Adiong ang mga Pilipino na maging mapagmatyag at hayaan ang ebidensiya ang siyang maghayag ng katotohanan sa paglilitis kay VP Sara

Sinabi ni Adiong na nararapat lamang na marinig at masuri ng mabuti ng publiko ang mga ebidensyang ihaharap ng House prosecution panel sa naturang paglilitis laban sa Pangalawang Pangulo.

“Hayaan po natin ang ating mga kababayan na madinig, makita ang kaso o ang mga ebidensya na ilalatag po ng House prosecution team. Ang amin pong panata sa inyo, itong impeachment trial ay ilalatag po natin dito ang katotohanan at buong katotohanan lamang dahil naniniwala po kami na ang Konstitusyon natin ay ginawa, sinulat para pagserbisyuhan ang sambayanang Pilipino,” wika ni Adiong.

Hinikayat din ni Adiong ang mga Pilipino na aktibong makibahagi sa prosesong konstitusyonal sa pamamagitan ng maingat na pagsusuri sa mga ebidensyang ihaharap sa paglilitis.

Samantala, sinabi din ng House legal spokesperson na si Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr. na hindi hinihiling ng prosekusyon sa publiko na pumanig sa kanilang kaso kundi tiyakin lamang na maipagpatuloy ang impeachment process at patas na suriin ang mga ebidensyang ihaharap ng prosekusyon at depensa.

“Sa oras na ito, hindi po namin hinihingi na suporta, panigan ng ating mga kababayan ang prosekusyon. Ang hinihingi ho namin, ang pinapakiusap namin sa mga kababayan natin, siguraduhin ho natin pare-pareho na patuloy na gumulong ang prosesong ito. At hinihingi ho namin pare-pareho ho natin pakinggan at suriin nang mabuti ang ebidensya na ilalapag ng magkabilang panig,” sabi ni Tolosa.

Hinimok din ni Tolosa ang mga Pilipino na isantabi muna ang kanilang mga personal na opinyon hanggang sa matapos maiharap ang lahat ng ebidensya.

“Pinapakiusap namin, isantabi ho muna natin ang mga personal na opinion natin, at ibigay ho natin ang opinyon at ang desisyon natin sa bagay na ito ‘pag natapos na ang paglalatag ng ebidensya,” ani Tolosa.