Impeachment

VP Sara impeachment tungkol sa pananagutan sa batas — Barbers

Mar Rodriguez Jul 8, 2026
45 Views

MULING binigyang linaw ni House prosecution panel spokesperson Robert Ace Barbers na ang paglilitis ni Vice President Sara Z. Duterte sa Senate impeachment court ay hindi usapin ng personalidad kundi tungkol sa pananagutan sa batas.

Pagbibigay diin ni Barbers na ang paglilitis sa mga kasong kinakaharap ng Pangalawang Pangulo ay walang kaugnayan sa personalidad at pulitika kundi isang prosesong konstitusyonal na naglalayong tiyakin ang pananagutan ng mga opisyal ng pamahalaan.

Ayon kay Barbers, na nagsisilbi din bilang adviser ng House prosecution panel, mahalagang maunawaan ng publiko na ang impeachment ay isang tungkuling itinalaga ng Konstitusyon sa Kamara at Senado.

“Eto ay dapat mapaliwanag, maintindihan ng ating mga kababayan na hindi ito politika.

Walang pulitika dito, this is just the process where the Constitution mandates the Lower House to initiate the impeachment process and mandates the Senate to render a judgment after a trial,” diin ni Barbers.

Binuksan ng Senado ang impeachment trial noong Hulyo 6, kung saan inaasahang susuriin ang mga paratang laban kay VP Duterte at ang pagtupad ng Senado sa tungkulin nito bilang impeachment court.

Sinabi ng dating congressman na ang paghaharap ng mga ebidensya ang pinakamahalagang bahagi ng paglilitis sapagkat ito ang magiging batayan ng publiko at ng mga senator-judges sa paghusga sa mga alegasyon.

Hinikayat ni Barbers ang mga Pilipino na subaybayan ang paglilitis, pakinggan ang mga ebidensya, at bumuo lamang ng opinyon matapos makita ang mga ihaharap ng prosekusyon.

“Napakahalaga na makilahok ang ating mga kababayan sa pamamagitan ng pagnood at pag-participate in all social media platforms tungkol dito sa usaping ito,” ani Barbers.

Sinimulan ng prosekusyon ang paglilitis sa Article of Impeachment na tumatalakay sa umano’y mga banta laban kina President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta Marcos at dating House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez. Ang naturang artikulo ay nakabatay sa mga video evidence at kaugnay na mga testimonya.

Ayon kay Barbers, ang mga ebidensya—at hindi ang magkasalungat na pahayag ng iba’t ibang kampong pulitikal—ang dapat maging batayan ng paghatol.

Idinagdag niya na mahalaga ang mga video evidence dahil ipinakikita umano ng mga ito ang mga banta at mga salitang hindi nararapat manggaling sa isang opisyal ng pamahalaan.