Lacson

Lacson: Wimbledon run ni Eala inspirasyon sa kabataang Pinoy

28 Views

SINABI ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson na dapat magsilbing inspirasyon sa kabataang Pilipino ang makasaysayang kampanya ni Alex Eala sa Wimbledon sa kabila ng kanyang pagkatalo sa fourth round.

Ayon kay Lacson, hindi binigo ni Eala ang mga Pilipino kahit hindi ito nakaabot sa quarterfinals ng Wimbledon Championships.

“Alex Eala didn’t disappoint us with her loss in the fourth round of the Wimbledon Championships. Failure is not measured by one defeat,” ani Lacson.

Nagtapos ang kampanya ni Eala sa fourth round matapos siyang matalo kay Jasmine Paolini, ngunit naging unang pagkakataon pa rin ito sa kasaysayan ng Philippine tennis.

Si Eala ang unang Filipino player na nakaabot sa fourth round ng isang Grand Slam singles tournament, isang tagumpay na umani ng malawak na atensyon mula sa mga Filipino fan.

Nauna nang pinuri ni Lacson si Eala dahil sa pag-angat ng moral ng bansa, at sinabi niyang nagbigay ito ng inspirasyon sa mga Pilipino sa gitna ng tinawag niyang “highly toxic atmosphere” at “deeply divided nation.”

Hindi man umabot si Eala sa quarterfinals ng Wimbledon, sinabi ni Lacson na hindi dapat burahin ng pagkatalo ang kanyang mga naabot.

Binigyang-diin ng senador na mahalaga ang halimbawa ni Eala dahil patuloy nitong hinihikayat ang kabataang Pilipino na mangarap nang mas mataas sa kabila ng mga pagsubok.