Calendar
Gatchalian sinuportahan punto ng tanong ni Hontiveros
SINABI ni Senate President Sherwin Gatchalian na may punto ang tanong ni Senadora Risa Hontiveros kung maaaring mapalusot ang umano’y grave threats dahil sa sinasabing lehitimong dahilan, ngunit kinilala niyang nauna ito sa evidentiary process ng impeachment court.
Sa panayam over DZMM, sinabi ni Gatchalian na mahalaga ang puntong inilabas ni Hontiveros dahil kailangang maiugnay sa impeachable offense ang mga ebidensiya at testimonya. Ngunit sinabi niyang kailangan pa ring sundin ng impeachment court ang tamang pagkakasunod-sunod ng paglalahad ng ebidensiya, pagtanggap ng testimonya at pagtukoy kung alin ang maaaring tanggapin.
“Unang-una, tama ka na yung kanyang tanong may sense,” sabi ni Gatchalian.
“At the end of the day, itong pagtatanong, paglalahad ng mga ebidensya, nakakoneksyon ito sa impeachable offense,” aniya.
Nag-ugat ang palitan sa tanong ni Hontiveros kay defense counsel Carlo Joaquin “CJ” Narvasa matapos magpatugtog ang depensa ng bahagi ng video na may kinalaman kay Atty. Zuleika Lopez, chief of staff ni Vice President Sara Duterte.
Tinanong ni Hontiveros kung sinasabi ba ng depensa na ang umano’y mga banta o incitements na iniuugnay kay Duterte ay dulot ng pagkakadetine ni Lopez.
Sinabi ni Narvasa na ang posisyon ng depensa ay may kinalaman sa tinawag niyang “systematic oppression” ng House of Representatives laban kay Duterte at sa kanyang staff bago ang umano’y mga banta at incitements.
Kasunod nito, tinanong ni Hontiveros kung ang posisyon ba ng depensa ay maaaring mapalusot ang umano’y grave threats kung may lehitimong dahilan sa pagbabanta.
Dito pumasok si Senator Francis “Chiz” Escudero, ang elected presiding officer ng impeachment court, at pinaalalahanan ang senator-judges na mag-ingat sa pagpapasagot sa counsel ng alinmang panig ng conclusions of fact and law sa halip na kunin ang mga ito mula sa testimonya ng mga saksi.
Sumunod si Hontiveros sa ruling, ngunit sinabi niyang nais niyang maitala na sa mga nakaraang impeachment trial ay pinayagan nang maluwag ang mga tanong ng senator-judges upang linawin ang mga punto.
“Pinag-aralan ko rin po ng maigi ang mga nakaraang mga impeachment trials at di hamak na pati noon naging liberal ang pagpapahintulot nila sa mga katanungan,” sabi ni Hontiveros.
Sinabi ni Gatchalian na mahalaga ang tanong ni Hontiveros, ngunit nauna ito dahil may sinusunod na proseso ang impeachment proceedings.
“Kaya na-advance pero napakahalaga yung kanyang tanong,” sabi ni Gatchalian.
Ayon sa kanya, nananatiling adjustment period ang unang linggo ng impeachment trial para sa senator-judges, prosecutors at defense.
“Maraming adjustment na nangyayari sa ating mga senator judges, maraming adjustment na nangyayari sa prosecution and defense. Kaya ito ay adjustment period,” sabi ni Gatchalian.

