Calendar
Adiong hangad ang safe trip para kay VP Sara
“HAVE a safe trip”. Ito ang ipinahayag ni House prosecution panel spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong para kay Vice President Sara Z. Duterte matapos nitong sabihin na hangad niya ang ligtas at biyahe ng Pangalawang Pangulo sa gitna ng isinasagawang Senate Impeachment Trial.
“Safe travels and happy trip, and hope she’ll be back soon,” ang pahayag ni Adiong.
Nauna nang inanunsyo ng Office of the Vice President (OVP) na mananatili sa ibang bansa si Duterte mula Hulyo 16 hanggang Hulyo 31 para sa biyahe sa Qatar, United Kingdom, at Netherlands.
Ayon sa OVP, kabilang sa kanyang itinerary ang mga opisyal na aktibidad kasama ang mga overseas Filipino, gayundin ang ilang personal na gawain. Iginiit din ng tanggapan na walang pondong mula sa gobyerno ang gagamitin para sa naturang biyahe.
Samantala, sinabi ng Malacañang na inaprubahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kahilingan ni Duterte para sa travel authority.
Kasalukuyang nasa “The Hague, Netherlands”, si Duterte, kung saan nakapiit ang kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte habang hinihintay ang paglilitis sa International Criminal Court (ICC).
Kasabay ng kanyang paglalakbay sa ibang bansa ang nagpapatuloy na impeachment trial, kung saan tinatapos na ng prosekusyon ang presentasyon ng mga ebidensya kaugnay ng ikaapat na artikulo ng impeachment.
Iniaakusa sa naturang artikulo si Duterte ng pagkakanulo sa tiwala ng publiko (betrayal of public trust), culpable violation of the Constitution, at high crimes kaugnay ng umano’y mga pagbabanta laban kina Pangulong Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.
Nakatakdang ipagpatuloy ng depensa sa Miyerkules ang cross-examination kay National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag, bago lumipat ang prosekusyon sa presentasyon ng ebidensya kaugnay ng artikulo ng impeachment na tumatalakay sa umano’y maling paggamit ng confidential funds.
To God be the Glory

