Calendar
Mas magaan na workload para sa mga guro nais tiyakin ni Gatchalian
HABANG hinihintay ang ilalabas na “workload balancing tool” ng Department of Education (DepEd) upang tugunan ang mga isyu sa workload ng mga guro, isinusulong ni Senador Win Gatchalian ang mga solusyong tulad ng digitalization at ang pagkakaroon ng sapat na non-teaching personnel sa mga paaralan.
Matatandaang hinimok ni Gatchalian ang DepEd na sundin ang mungkahi ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) na magsagawa ng mga pag-aaral hinggil sa workload ng mga guro. Ito ay upang makapaglaan ang mga guro ng mas maraming panahon para sa aktwal na pagtuturo.
Nagbabala ang PIDS noong 2019 na apektado ang kalidad at paghahatid ng edukasyon dahil kailangan ding gampanan ng mga guro ang administrative at student support roles. Nakikilahok din kasi ang mga guro sa mga programa ng pamahalaan tulad ng pagbabakuna, deworming, at halalan.
Upang matulungan ang mga guro na mapadali ang kanilang mga sistema at proseso, kabilang ang paggawa ng lesson plan at pagsumite ng mga ulat, iminumungkahi ni Gatchalian ang digital transformation sa sektor ng edukasyon. Matatandaang inihain ni Gatchalian ang Digital Transformation in Basic Education Act (Senate Bill No. 383) upang mapabilis ang paghahatid ng mga serbisyo sa edukasyon.
Ibinahagi rin ni Gatchalian ang halimbawa ng Valenzuela City na nagpamahagi ng mga laptop na may naka-install na #VCGuroAko App. Ang naturang app ay isang online portal upang mapadali ang pagtatrabaho ng mga guro, kabilang ang pag-upload at pagbahagi ng mga dokumento at pagsumite ng mga ulat.
Hinimok din ni Gatchalian ang administrasyon na ipatupad nang ganap ang Magna Carta for Public School Teachers (Republic Act No. 4670). Sa nagdaang 18th Congress, pinamunuan ni Gatchalian ang pagrepaso ng Senado sa pagpapatupad ng Magna Carta, kung saan lumabas na hindi nakakasunod ang DepEd sa tatlong probisyon ng batas: ang probisyon sa medical examination at treatment, dagdag sahod sa panahon ng retirement, at ang pagsumite ng panukalang pondo taon-taon para sa pagpapatupad ng batas.
Ayon sa Magna Carta, hindi dapat lumagpas ng anim na oras ang aktwal na pagtuturo ng mga guro sa pampublikong paaralan.
“Isa sa mga hakbang upang maingat natin ang kalidad ng edukasyon na natatanggap ng ating mga kabataan ay tiyaking may sapat na panahon ang ating mga guro sa pagtuturo. Ngunit hindi natin ito magagawa kung nananatiling pasanin ng mga guro ang iba pang mga gawain na wala namang kinalaman sa aktwal na pagtuturo,” ani Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Basic Education.