Calendar
Aide ng OVP: Tanging sina Sara at Lachica ang nakaaalam kung saan napunta ang P625-M confidential funds
TANGING si Vice President Sara Duterte at security chief Col. Raymund Dante Lachica ang nakaaalam kung saan at paano ginastos ang P625 milyon na confidential funds ng Office of the Vice President (OVP), ayon sa mga isiniwalat sa impeachment trial nitong Miyerkules.
Itinuro ni Office of the Vice President Assistant Secretary at Assistant Chief of Staff Lemuel Ortonio sina Vice President Sara Duterte at security chief Col. Raymund Dante Lachica bilang mga opisyal na nakaaalam kung paano at saan ginastos ang P625 milyon na confidential funds ng OVP.
Ito ay matapos aminin ni Ortonio sa Impeachment Court na wala siyang personal na kaalaman tungkol sa aktuwal na paglalabas at paggastos ng daan-daang milyong pisong confidential funds.
“Wala po akong personal na kaalaman,” patotoo ni Ortonio.
“Maging ang Assistant Chief of Staff ay hindi nakaaalam. Ito rin ang naging posisyon ng Chief of Staff [Atty. Zuleika Lopez],” diin ni Presiding Officer Francis Escudero.
Nang tanungin kung alam ni Duterte kung paano ginastos ang pondo, sinabi ni Ortonio na bilang pinuno ng OVP, malamang ay alam ng Vice President kung paano ipinatupad ang mga aktibidad na pinondohan ng confidential funds.
“Sa pagkakaintindi ko, bilang pinuno ng ahensya, maiintindihan ko na alam niya ang pagpapatupad nito,” sabi ni Ortonio.
Kinumpirma rin ni Ortonio na alam ni Lachica kung paano ginamit ang pondo dahil siya ang namuno sa security operations ng OVP.
“Opo, bilang hepe ng security ng OVP,” sagot niya.
“So sa inyong tanggapan, tanging si VP Sara, bilang pinuno ng ahensya, ang nakaaalam. Kayo, bilang Assistant Chief of Staff, ay hindi nakaaalam. Hindi rin alam ng Chief of Staff. Alam din ni Col. Lachica,” sabi ni Escudero.
Lalong sinuri ang papel ni Lachica matapos ipunto ni Escudero na, batay sa naunang pagtatanong ni Senator-Judge Vicente Sotto III, hindi kabilang si Lachica sa organic personnel ng OVP.
“Opo, Your Honor,” kumpirma ni Ortonio.
P125M ginastos sa loob lamang ng 11 araw
Patuloy ang mga tanong tungkol sa paggamit ng confidential funds mula nang matanggap ng OVP ang unang tranche na P125 milyon noong Disyembre 2022. Ayon sa mga rekord, naubos umano ang buong halaga sa loob lamang ng 11 araw, mula Disyembre 21 hanggang 31.
Batay sa liquidation documents na isinumite ng OVP, umano’y P40 milyon ang ginastos para sa medical at food assistance; P35 milyon para sa supplies; P16 milyon para sa safe houses at incidental expenses; P14 milyon para sa pagbili ng impormasyon; P10 milyon para sa rewards; at isa pang P10 milyon para sa incentives at travel na may kaugnayan sa confidential operations.
Naging kontrobersyal din ang liquidation documents matapos lumitaw sa acknowledgment receipts ang mga kahina-hinalang pangalan gaya nina “Mary Grace Piattos,” “Chippy McDonald,” “Timon Andrew Pusa,” “Antonio Pagong,” “Shane Ngitngit,” “Don Piang,” “May Piang,” at “Xuniso P. Belat.”
Inamin din ni dating OVP Special Disbursing Officer Gina Acosta sa Impeachment Court na ang ilan sa mga pangalang nakalagay sa acknowledgment receipts ay mga alias at hindi tunay na pangalan ng mga tumanggap ng pera.
Nauna nang naglabas ang Commission on Audit ng Notice of Disallowance na sumasaklaw sa P73.287 milyon na confidential fund expenditures ng OVP dahil sa mga kuwestiyonableng paggastos at kakulangan ng mga kinakailangang supporting documents.
Ang testimonya ay nagbubukas ng isang mahalagang tanong tungkol sa pananagutan sa paggamit ng confidential funds: habang sinasabi ng mga matataas na opisyal ng OVP, kabilang ang Assistant Chief of Staff at Chief of Staff, na wala silang personal na kaalaman kung paano aktuwal na ginastos ang pera, tinukoy naman sa testimonya sina Duterte at Lachica bilang mga opisyal na nakaaalam kung paano ipinatupad ang confidential operations.

