Calendar
Panukalang E-Governance Act, E-Government Act agad aaprubahan ng Kamara
POSITIBO ang tugon ng Kamara de Representantes sa apela ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magpasa ng batas upang mapabilis ang digitalization ng gobyerno na magpapaganda sa hatid nitong serbisyo sa publiko.
Ayon kay Speaker Martin G. Romualdez agad na ipapasa ng Kamara ang panukalang E-Governance Act at E-Government Act sa muling pagbubukas ng sesyon sa Nobyembre.
“We are one with President BBM and the Executive department in making government transactions and delivering services in a faster, more efficient and more transparent way through digital platform,” sabi ni Romualdez.
Kumbinsido si Romualdez sa kahalagahan ng digitalization kaya nagpadala ang Kamara ng team sa Washington DC na pinangunahan ni House Secretary General Reginald Velasco upang makipagpulong sa mga kinatawan ng Congressional Research Service ng Library ng United States Congress.
Tiniyak ni Romualdez na mayroong ginagawang hakbang ang Kamara upang mas mapabilis at mas mapaganda ang pakikipagtransaksyon ng publiko sa gobyerno.
Sinabi ni Romualdez na isang technical working group ang binuo ni House committee on Information and Communications Technology na pinamumunuan ni Navotas Rep. Tobias Tiangco upang balangkasin ang panukalang E-Governance Act at E-Government Act.
Ang TWG ay pinamumunuan ni Davao Oriental Rep. Cheeno Miguel Almario.
“I have asked the committee to submit a report as soon as possible so
we could expedite plenary approval of the consolidated bill,” sabi ni Romualdez.
Si Romualdez ang principal author ng House Bill no. 3 o ang panukalang E-Governance Act of 2022. Co-author naman dito sina House Senior Deputy Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos, at Tingog party-list Representatives Yedda Marie K. Romualdez at Jude Acidre.