Kamara nakalikom ng P75M tulong para sa nasalanta ng bagyong Paeng

188 Views

UMABOT na sa P26.3 milyon ang in kind o non-cash donation na nalikom ng Kamara de Representantes na ipamamahagi sa mga biktima ng bagyong Paeng.

Ito ay bukod pa sa P49.2 milyong cash donation at pledges na nakuha ng tanggapan ni Speaker at Leyte Rep. Martin G. Romualdez.

“Marami pong salamat sa lahat ng mga mabubuting puso na tumulong sa ating relief drive. We need all the help that we can get, we already reached many affected families nationwide and we vow to bring the remaining aid to the affected families as soon as possible,” sabi ni Speaker Romualdez.

Inaasahan naman na lalo pang lalaki ang halaga ng donasyong kasabay ng patuloy na pagpapadala ng tulong ng Kamara sa iba’t ibang lugar na nasalanta.

Ang donation drive ay pinangunahan nina Speaker Romualdez, misis nitong si House Committee on Accounts Chairperson at Tingog Party-list Rep. Yedda Marie K. Romualdez; House Committee on Appropriations chairman at Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co, House Majority Leader Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe, at iba pang lider ng Kamara.

Nagmistulang sorting at repacking station ang Kamara sa Batasan Pambansa Complex kung saan isinasagawa ang pagaayos sa mga relief goods upang mas mabilis itong maipamahagi.

Noong Lunes, 150 kahon o 1,500 relief pack, 80 bundle ng bottled water, at 20 sako ng bigas ang ipinadala ng Kamara sa Cagayan at ipamamahagi ni Cagayan Rep. Joseph “Jojo” Lara.

Noong Martes ay 1,500 relief pack, 80 bundle ng bottled water, 20 sako ng bigas, tig-isang kahon ng multivitamins, at vitamin C ang ipinadala sa Camarines Norte.

Martes ng hapon ng magpadala naman ng relief goods sa mga pamilyang naapektuhan ng bagyong Paeng sa Tacloban City.

Nauna rito ay nagpadala na ng relief goods sa Cavite at Laguna.

Sa pagtutulungan ng Tingog party-list at Office of the Speaker nakapagpadala naman ng relief goods sa mga taga-Maguindanao.

Nakapagpadala na rin ng financial at food assistance ang liderato ng Kamara sa pangunguna ng mag-asawang Romualdez mga kongresista na humingi ng tulong.