VP Sara saludo sa PH Navy

195 Views

SALUDO si Vice President Sara Duterte sa Philippine Navy sa pagseserbisyo nito sa bansa.

Sa kanyang talumpati sa ika-66 founding year celebration ng Naval Special Operations Command, nag-wish si Duterte ba mas dumami pa ang pumapasok sa Armed Forces of the Philippines (AFP).

“Patriotism holds a very special place in my heart. At malaki ang respeto ko sa mga Pilipino na katulad ninyo. Sumasaludo po ako sa inyo at taos-puso po akong nagpapasalamat sa inyong kabayanihan,” sabi ni Duterte.

Bukod sa AFP, sinabi ni Duterte na maaari ring pumasok ang mga kabataang Pilipino sa Philippine National Police, at iba pang security force agency.

“Alam ninyo, ang isa sa mga pangarap ko ay sana mas maraming kabataang Pilipino ang pumasok sa Philippine Navy o anumang sangay ng Armed Forces of the Philippines o maging sa Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, and Bureau of Jail Management and Penology,” sabi pa ng Ikalawang Pangulo.

Sinabi ni Duterte na malaki ang respeto nito sa AFP, PNP, at iba pang katulad na organisasyon na ang mithiin ay maproteksyunan ang bansa at isulong ang katatagan at kaunlaran ng bansa.

“Isa itong uri ng pagmamahal na hindi namamatay sa panahon na nahaharap tayo sa pagsubok,” dagdag pa ni Duterte. “Isa itong pagmamahal na mas nag-aalab at mas umiinit sa tuwing tayo ay nakakaranas ng kahirapan.”

Binigyan-diin din ng Ikalawang Pangulo ang kahalagahan na masuportahan at magkaroon ng angkop na pagsasanay ang mga sundalo ng Naval Special Operations Command upang mas mapataas ang kanilang kakayanan.