Nv

NV solon naghain ng 5 panukalang batas

Mar Rodriguez Oct 1, 2026
39 Views

NAGSULONG si House Assistant Majority Leader at Nueva Vizcaya Rep. Atty. Timothy Joseph “Tim” Cayton ng limang bagong panukalang batas na nakatuon sa mga isyu sa lupa, edukasyon, transportasyon, serbisyo publiko at kabuhayan ng mga mamamayan.

Kabilang sa mga panukalang batas ang HB 11477 (Forest Lands) na layuning gawing alienable and disposable (A&D) ang ilang forest land sa Nueva Vizcaya, alinsunod sa mga rekisito ng umiiral na batas.

Ang HB 11478 o P50,000 minimum salary para sa mga public school teachers bilang hakbang upang mapataas ang compensation at mapabuti ang kalagayan ng mga guro.

HB 11479 – Pag-upgrade sa LTO District Office sa Bayombong. Iminumungkahi nitong i-upgrade ang LTO District Office sa Bayombong mula Class C tungo sa Class A. Layunin nitong bigyang-daan ang mas mataas na classification at mas malawak na serbisyo ng tanggapan.

HB 11480 – Magna Carta para sa Tricycle Drivers at Operators na nagtatakda ng mas malinaw na mga karapatan, benepisyo, proteksyon at pamantayan para sa mga tricycle driver at operator.

HB 11481 – Proteksyon para sa hog raisers na nakatuon sa pagpapalakas ng proteksyon para sa mga lokal na nag-aalaga ng baboy, kabilang ang mas malinaw na farm-gate pricing at patas na mga kasanayan sa pangangalakal.

Ang limang panukala ay House bills pa lamang at hindi pa mga batas. Kailangan pa nitong dumaan sa committee deliberations, debate, amendments at botohan sa Kamara bago tuluyang maging batas.

Ayon kay Cayton, saklaw ng mga panukala ang iba’t-ibang sektor mula sa lupa at kabuhayan hanggang sa mga guro, transport workers at livestock raisers.