Calendar
Solon: Universal Social Pension isabatas na sana
MULING nanawagan si House Committee on Senior Citizens Chairperson at United Senior Citizens Partylist Rep. Milagros Aquino-Magsaysay sa pagsasabatas ng Universal Social Pension kasabay ng pagdiriwang ng Elderly Filipino Week.
“Kailangan na pong tupdin ng ating gobyerno ang mandato nito na tiyakin ang seguridad, kalusugan at kapanatagan ng mga nakatatandang Pilipino sa pamamagitan ng agarang pagsasabatas ng Universal Social Pension,” pahayag ni Magsaysay.
Milyun-milyong senior citizens ang patuloy na nakararanas ng kahirapan at kakulangan sa pagkain. Marami rin umano ang nahihirapang bumili ng kanilang mga kinakailangang gamot at napipilitang tiisin ang kanilang karamdaman dahil sa kakulangan sa pera.
Iginiit niya na hindi na sapat ang mga slogan, pangako at mga seremonya tuwing ipinagdiriwang ang Elderly Filipino Week kung hindi naman natutugunan ang pangunahing pangangailangan ng mga nakatatanda.
“Hindi na po sapat ang mga matatamis na salita ng papuri sa mga naiambag ng senior citizens. Hindi na po sapat ang mga slogan at pangako. Lalong hindi na po sapat ang mga sayawan at kantahan tuwing Elderly Filipino Week,” ani Magsaysay.
Ayon pa sa mambabatas, ang pinakamainam na paraan upang ipakita ang pagpapahalaga sa mga nakatatanda ay ang pagsasabatas ng Universal Social Pension.
Ang universal social pension ay hindi dapat ituring na simpleng ayuda o charity.
Kung maisasabatas ang benepisyo ay hindi lamang makatutulong upang maibalik ang dignidad at seguridad ng mga nakatatanda kundi maaari ring magkaroon ng positibong epekto sa ekonomiya dahil magkakaroon sila ng karagdagang perang magagamit para sa kanilang mga pangangailangan.
“Karapatan po ng bawat Pilipinong nakatatanda na maging malayo sa takot ng gutom at pagkakasakit, sa anumang pang-aabuso, at pagkakait ng mga benepisyong bahagi naman ng kanilang karapatan,” wika ni Magsaysay.
Iginiit nito na ang mga nakatatanda ay hindi nanlilimos at hindi humihingi ng charity dole-out, kundi humihiling ng pagkilala at pagsasakatuparan ng kanilang mga karapatan.
Umaasa si Magsaysay na maririnig ni Pangulong Ferdinand “Bongbong R. “Marcos Jr. ang panawagan ng mga nakatatanda at maisusulong ang agarang pagsasabatas ng Universal Social Pension.

