Pic7

Leonen hinimok mga justice, hukom, abogado, kawani: Huwag manahimik, maging aktibo laban sa katiwalian sa korte

59 Views

INUTUSAN ni Supreme Court Senior Associate Justice Marvic Leonen, na umaakto rin ngayon bilang Acting Chief Justice, ang lahat ng justice, hukom, kawani ng korte, at mga abogado na maging aktibo at huwag manahimik kapag may nalalamang katiwalian sa hudikatura.

Sa Memorandum Order No. 94-2026 na inilabas nitong Setyembre 30, 2026, muling pinagtibay ng Korte Suprema sa ilalim ng pamumuno ni Acting Chief Justice Leonen ang commitment nitong linisin ang mga hukuman laban sa lahat ng anyo ng graft, korapsyon, at iba pang gawaing sumisira sa patas na paggawad ng hustisya.

Ang bagong utos ay paalala at pagpapatibay sa Memorandum Order No. 72-2024, na inisyu rin mismo ni Leonen noong Hunyo 19, 2024 habang naglilingkod din noon bilang Acting Chief Justice.

Ang MO 72-2024 ang kauna-unahang pormal na utos na nagtatag sa opisyal na sumbungan sa email na integrity@judiciary.gov.ph.

Inatasan ni Leonen ang lahat ng Regional Court Managers at ang mga appellate, first, at second-level courts sa buong bansa na ipaalam sa lahat ng litigante at kawani ang tungkol sa nasabing integridad email platform upang magkaroon ng aktibong partisipasyon ang publiko.

Sa ilalim ng utos, inaatasan ang mga justice, hukom, litigante, at kawani ng korte na mag-ulat ng anumang insidente o impormasyong nangangailangan ng imbestigasyon kaugnay ng paglabag sa mga batas laban sa graft at corruption, partikular sa ilalim ng 2025 Code of Judicial Conduct and Accountability (A.M. No. 25-04-04-SC).

Nilinaw sa memorandum na kabilang sa mga tiyak na ilegal na gawain na dapat isumbong ay Ex-parte communication o anumang nakatagong pakikipag-usap o pakikipag-uugnayan ng isang litigante sa isang nakaupong hukom, justice, o hearing officer hinggil sa kinakaharap na kaso; Extortion for case outcomes o anumang anyo ng paghingi, o pag-aalok ng suhol, maging ito man ay pera, regalo, o anumang pabor, mula sa litigante o abogado kapalit ng paglabas ng paborableng desisyon o hatol; at Extortion for court services o Paghingi o pag-aalok ng suhol para sa pagpapatupad ng mga opisyal na utos at proseso ng hukuman, kabilang ang pagpapalabas o pagsisilbi ng warrants, summons, at writs of execution.

Maging ang paghingi ng suhol para sa pangkalahatang aktibidad ng korte, pagkuha ng inside information tulad ng confidential case progress at pangalan ng ponente, influence peddling, at fixing ay inatasan ding agad na isumbong.

Ipinapakita ng hakbang na ito ang tatak ng pamumuno ni Leonen ang seryoso at puspusang pagsisikap na alisin ang korapsyon at bias sa sistema upang tiyaking ang hudikatura ay tunay na naglilingkod at kumakalinga sa interes ng taumbayan, lalo na sa mga mahihirap at walang laban.

“To remain silent in the face of corruption is to become complicit in injustice. Every act of corruption benefits the powerful or the wealthy. It weakens our ability to serve those who are poor or disempowered,” ani Leonen. “Stand for integrity. Let us serve our people well.” pagtatapos pa nito.