Just In

Calendar

October 2026
M T W T F S S
 1234
567891011
12131415161718
19202122232425
262728293031  
Chiz1

Escudero nais pagmultahin mabagal mag-refund, maglipat ng titulo

72 Views

ISINUSULONG ni Sen. Francis “Chiz” Escudero na pagmultahin ang mga nagbebenta ng bahay at lupa na maaantala sa pagbabalik ng refund o sa paglilipat ng titulo sa mga mamimiling nagbabayad nang hulugan.

Inisponsoran ni Escudero, chairman ng Senate Committee on Urban Planning, Housing and Resettlement, ang Senate Bill No. 2504 sa plenaryo nitong Martes.

Aamyendahan nito ang 54-taong Republic Act No. 6552 o Realty Installment Buyer Act. Ipinasa ito noong 1972 at inakda ng yumaong Sen. Ernesto Maceda, kaya kilala ito bilang Maceda Law.

Ayon kay Escudero, hindi patas ang trato sa maraming pamilya sa ilalim ng kasalukuyang batas, at kailangan na itong i-update para tumugma sa kalagayan ngayon ng pabahay at pananalapi.

“One missed payment should be a setback, not the end of the road toward owning a home,” ani Escudero.

Sa ilalim ng panukala, kapag nakansela ang kontrata at naantala ang refund, magmumulta ang nagbebenta ng 1.5 porsiyento kada buwan.

May 120 araw ang nagbebenta para ilipat at iparehistro ang ari-arian sa pangalan ng mamimili matapos ang buong bayad. Kapag naantala ito nang walang makatwirang dahilan, magmumulta ang nagbebenta ng 0.05 porsiyento ng halaga ng kontrata kada buwan.

May limitasyon din ang multa sa mga mamimiling naantala sa hulog, at walang multang maaaring singilin habang nasa grace period o palugit.

Ayon sa tanggapan ni Escudero, palalawakin din ng panukala ang palugit at refund. Ang nakapagbayad nang dalawang taon pataas ay may isang buwang palugit sa bawat taon ng hulog. Animnapung araw naman ang palugit ng nakapagbayad nang wala pang dalawang taon.

Kapag nakansela ang kontrata, ibabalik sa mamimili ang 50 porsiyento ng kabuuang naibayad. Tataas ito ng 5 porsiyento kada taon matapos ang limang taon ng hulog, hanggang 90 porsiyento.

Ganito na rin ang mga halaga sa umiiral na Maceda Law, na nagpapahintulot gamitin ang naipong palugit nang isang beses kada limang taon ng kontrata.

Pinapayagan na rin ng kasalukuyang batas ang mamimili na ibenta o ipasa ang kanyang karapatan at bayaran nang maaga ang hulog o ang buong balanse nang walang interes. Sa panukala, magagawa ito habang nasa palugit nang walang dagdag na singil.

Tulad ng umiiral na batas, magkakabisa lamang ang pagkansela sa pamamagitan ng notarial act, matapos ang 30 araw at kapag naibigay na ang refund.

Inisponsoran din ni Escudero nitong Martes ang Senate Bill No. 2503 o panukalang Rental Housing Subsidy Act para sa mga pamilyang nawalan ng tirahan dahil sa demolisyon, kalamidad at proyekto ng gobyerno.

Nasa ikalawang pagbasa na ang SB 2504. Pagdedebatehan at aamyendahan pa ito ng mga senador bago pagbotohan sa ikalawa at ikatlong pagbasa. Kailangan ding magpasa ng sariling bersyon ang Kamara.