TTDI

PH may mataas na ranggo sa pandaigdigang antas ng turismo

Jon-jon Reyes Oct 1, 2026
31 Views

DAHIL sa malaking pag-unlad sa aspeto ng sustainability, mga kondisyon sa polisiya, at koneksyon sa transportasyon, ang Pilipinas ay kinilala bilang ikapito sa mga ekonomiyang may pinakamabilis na pag-angat sa sektor ng turismo.

Tinapos ng Pilipinas ang Buwan ng Turismo (Tourism Month) nang may mas mataas na ranggo sa pandaigdigang antas ng turismo, matapos itong hirangin bilang ikapitong ekonomiya sa mundo na may pinakamabilis na pag-unlad ngayong taon, ayon sa 2026 Travel and Tourism Development Index (TTDI) ng World Economic Forum (WEF). Partikular na umakyat ang bansa nang walong puwesto upang makuha ang ika-57 na ranggo mula sa 110 ekonomiyang sinuri.

“Patunay ito na ang mga pagsisikap natin sa ating sektor ng turismo—mula sa ating mga paliparan at daungan hanggang sa mga lokal na pamilihan at mga destinasyong kultural—ay nararamdaman at kinikilala sa buong mundo. Gayunpaman, batid nating marami pa tayong dapat gawin, at patuloy kaming nagsisikap upang matiyak na ang bawat komunidad ng mga Pilipino na tumatanggap ng mga turista ay makikinabang sa pamamagitan ng mas magagandang trabaho, mas maayos na kabuhayan, at mas mataas na kalidad ng pamumuhay,” pahayag ni Tourism Secretary Dita Angara-Mathay.

Ang aspeto ng sustainability ang nagtala ng pinakamalaking pag-angat sa ranggo ng bansa, kung saan tumalon ito mula ika-64 patungong ika-29 na puwesto sa kategoryang *Travel and Tourism Sustainability*. Ito ay bunsod ng mas matataas na marka sa pangangalaga sa kalikasan at pagproseso ng wastewater. Sa ilalim ng kategoryang ito, pumangalawa ang Pilipinas sa buong mundo sa *Travel and Tourism Demand Sustainability pillar*, na sinuportahan ng malaking pagtaas sa marka nito para sa *geographically dispersed tourism* (turismong nakakalat sa iba’t ibang lugar), mula sa index score na 3.2 patungong 5.2 (mula sa kabuuang 7).

Ang pagkilalang ito ay kasunod ng paghirang sa Pilipinas bilang *Global Dive Destination of the Year* sa ADEX Big Blue Legacy Awards 2026 at pagkamit ng *Best Dive Destination Award* sa DRT Show Shanghai 2026—mga karangalang sumasalamin sa dedikasyon ng pamahalaan na pangalagaan ang ating kapaligiran at likas na yaman.

“Ang ating mga isla, bahura, kagubatan, at mga pamanang lugar ang dahilan kung bakit sulit bisitahin ang Pilipinas. Ang pagtiyak na mapoprotektahan ang mga yamang ito, habang responsable nating pinamamahalaan ang paglago at epekto ng turismo, ay nananatiling pangunahing prayoridad upang matiyak na makikinabang dito ang mga susunod na henerasyon,” pahayag ni Angara-Mathay.

Umakyat din ang ranggo ng bansa sa aspeto ng transportasyong panlupa at koneksyon sa mga daungan—mula ika-80 patungong ika-49 na puwesto—kung saan 26 na puwesto ang itinaas nito sa loob lamang ng nakalipas na dalawang taon. Ito ay bunsod ng mas mataas na marka sa kahusayan ng mga daungan, pampublikong transportasyon, at sistema ng tren. Ang pag-unlad na ito ay bunga ng mas matibay na pagtutulungan ng Department of Tourism (DOT) at ng Department of Transportation (DOTr), Civil Aeronautics Board (CAB), Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), at Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa mga pagpapabuti sa transportasyon at imprastraktura sa mga daungan, paliparan, riles, kalsada, at tulay sa buong bansa.

Umarangkada rin ang Pilipinas mula ika-93 patungong ika-73 na puwesto sa larangan ng kaligtasan at seguridad, kasabay ng pagbaba ng insidente ng pagpatay (homicide) mula humigit-kumulang 10.5 patungong 4.4 kada 100,000 katao. Iniuugnay ng Kagawaran ang tagumpay na ito sa mahigpit na koordinasyon nila sa Philippine National Police (PNP) pagdating sa kaligtasan ng mga turista, kabilang na ang kamakailang ipinamahaging manwal ukol sa kaligtasan ng turista at pagtugon sa sakuna.

Ang aspetong may pinakamataas na antas ng pag-unlad para sa bansa ay ang mga polisiya at kondisyong sumusuporta sa sektor (policy and enabling conditions); umakyat ito mula sa ika-33 na puwesto noong 2019 patungong ika-12 noong 2026, habang ang paggasta ng pamahalaan para sa turismo ay tumaas mula 3.1 porsiyento patungong 5.8 porsiyento ng pambansang badyet.

Samantala, ang sektor ng kultura at pamana ang nagtala ng pinakamalaking pagtaas ng marka sa lahat ng 17 haligi ng bansa—tumaas nang 43 porsiyento mula noong 2019 at nag-angat sa ranggo ng Pilipinas mula ika-52 patungong ika-38—na sumasalamin sa mas malawak na pagkilala sa antas-internasyonal, kabilang na ang pagkakaroon ng limang UNESCO Creative Cities, mula sa isa lamang noong 2019.

Nakamit ng Pilipinas ang kabuuang markang 4.08 mula sa 7, at kinilala ito ng WEF bilang isa sa sampung pangunahing umuusbong na ekonomiya sa turismo sa mundo, kasama ang China, India, Malaysia, Thailand, Indonesia, Viet Nam, Türkiye, Mexico, at Brazil.

Sinusuri ng TTDI ang mga ekonomiya batay sa limang dimensyon at 17 haligi, gamit ang 102 indikator, upang sukatin ang mga salik na nagbibigay-daan sa isang sustenable at matatag na pag-unlad ng turismo.