DPWH

Lacson nanawagan ng sabayang imbestigasyon ng 6 na ahensiya sa tambakan sa Taguig lakeshore

55 Views

NANAWAGAN si Sen. Panfilo “Ping” Lacson nitong Sabado na sabay-sabay nang imbestigahan ng anim na ahensiya ng gobyerno ang umano’y tuloy-tuloy na reclamation sa bahagi ng Laguna Lake na sakop ng Taguig City.

Kasabay nito, pumalag ang pamahalaang lungsod ng Taguig sa video na ipinost ng senador.

Ayon kay Lacson, dapat magsanib-puwersa ang Philippine Reclamation Authority (PRA), Land Registration Authority (LRA), Laguna Lake Development Authority (LLDA), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Public Works and Highways (DPWH) at Office of the Ombudsman. Kanya-kanyang mandato ang hahawakan ng bawat isa.

“Pag reclamation, PRA. Pag Laguna Lake, LLDA. At DENR kasi kung basura tinatambak mo, concern ng DENR yan. Pag infrastructure projects, DPWH. Pag kaso, Ombudsman. Kaya composite yan,” ani Lacson sa isang panayam sa radyo.

Siya raw mismo ang nagmungkahi nito sa isang pulong sa kanyang tanggapan sa Senado.

“Ako ang nag-suggest noon nang nagkaroon ng conference sa office ko. Masama ba yan? Ako ang nag-consolidate, magtulong-tulong tayo to get to the bottom of this issue. Pagka laki-laki ng area na natabunan ng basura at filling materials ang Laguna Lake sa Taguig side, ito ang Lakeshore, 170 hectares,” dagdag niya.

Isang araw bago nito, nag-post si Lacson sa X ng 25-segundong video. Kuha raw ito sa joint on-site inspection ng Ombudsman, PRA, LRA at DPWH sa Taguig Lakeshore.

Ayon sa senador, tuloy pa rin ang pagtatambak ng basura habang nasa lugar ang inspection team. Karamihan daw sa team ay mga abogado at inhinyero, at humingi pa ito ng tulong sa pulisya para sa seguridad.

Sa pahayag nitong Sabado, sinabi ng pamahalaang lungsod ng Taguig na “categorically rejects the misleading narrative” ito kaugnay ng video. Iginiit din ng lungsod na wala itong inilabas na permit o awtoridad para sa sinuman sa mga umano’y pribadong may-ari ng lugar.

Itinanggi rin ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano nitong Biyernes na proyekto ng lungsod ang reclamation na nasa video. Dati na niyang sinabi na DPWH ang proponent ng lakeshore project. Asawa ni Cayetano si Taguig Mayor Lani Cayetano.

Sa isang Facebook livestream, sinabi ni Cayetano na iginagalang niya ang lahat ng imbestigasyon ng Ombudsman, DOJ at iba pang ahensiya, pero dapat daw itong patas. Tutol siya sa paraan ng sariling pagsisiyasat ni Lacson. Inakusahan pa niya ang team ng senador na pinipilit umano ang mga contractor na pumirma ng nakahandang affidavit.

“Hindi ko papatulan pero ang paghanap ng ebidensya, tuloy-tuloy ang pagkalap ng ebidensya,” tugon ni Lacson.

Ipinunto ng senador na apektado ng tambakan ang kabuhayan ng mga mangingisda sa lawa at ang kalusugan ng mga kumakain ng isdang nahuhuli roon. Pinalala rin daw nito ang pagbaha sa ilang bahagi ng Laguna.

Naglabas na ang DPWH ng mga cease-and-desist order laban sa umano’y ilegal na reclamation projects sa Taguig mahigit isang buwan na ang nakararaan.

Nagsasagawa na rin ang Ombudsman ng fact-finding investigation sa reclamation sa bahaging sakop ng Taguig. Ayon kay Lacson, pina-subpoena na nito ang mga rekord ng DPWH, PRA, LRA at Taguig Registry of Deeds.