Calendar
Mas mahigpit na seguridad sa mahahalagang pasilidad ng pamahalaan, iniutos ng NCRPO chief
INIUTOS ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Officer-in-Charge P/BGen. Christopher Abrahano sa kapulisan sa Metro Manila na pag-ibayuhin ang seguridad sa paligid ng lahat ng mga mahahalagang pasilidad ng pamahalaan
Ang utos ay kasunod ng isinagawang biglaang kilos-protesta ng mga miyembro ng ACT Teachers Party-List sa Gate 7 ng Malacañang Palace noong Linggo, Oktubre 4, 2026 kung saan nagtangkang makapasok ang mga nagprotesta sa Malacañang complex na matagumpay na napigilan ng pulisya.
Kasunod ng insidente, naglabas si BGen. Abrahano ng direktiba sa mga police unit sa NCR na manatiling naka-heightened alert at tiyaking nakahanda ang mga naaangkop na security measure para sa anumang posibleng mangyari.
Binigyang-diin ng hepe ng NCRPO na layunin ng direktiba na maiwasan ang hindi awtorisadong pagpasok sa mga secured government facility, maprotektahan ang buhay at ari-arian, at mapanatili ang kaligtasan ng publiko, habang iginagalang ang konstitusyonal na karapatan ng bawat mamamayan na magsagawa ng mapayapang pagtitipon.
Inatasan din ng opisyal ang mga police commander na mahigpit na makipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan at mga organizer ng mga protesta upang matiyak ang maayos at mapayapang pagsasagawa ng mga demonstrasyon at maiwasan ang anumang sitwasyong maaaring mauwi sa kaguluhan.

