Artes

Aarangkada sa Marso rehab ng EDSA

Chona Yu Feb 5, 2025
12 Views

AARANGKADA na sa buwan ng Marso ang rehabilitasyon sa kahabaan ng EDSA.

Sa pulong balitaan sa Malakanyang, sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Romando Artes na nailatag na kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Comprehensive Traffic Management Plan sa Metro Manila at mga kalapit na lalawigan.

Kasama sa pulong sa Malakanyang ang mga opisyal ng MMDA, Department of Public Works and Highways, Department of Transportation, at iba pa.

“Target pa rin po ay makapagsimula ng March para matapos po siya in time for the ASEAN,” pahayag ni Artes.

Paliwanag ni Artes, uunahing ayusin ang southbound lane ng EDSA.

Aminado naman si Artes na maraming hamon ang kinakaharap sa rehabilitadyon kabilang dito ang drainage system at mga alternatibong ruta.

“Ang challenge lamang po na napag-usapan kahapon kasi sasabayan na po ng paggawa ng drainage system sa EDSA para maiwasan iyong pagbabaha. Ni-raise lamang po natin iyong concern na since iyong drainage po ay nasa outer lane, marami pong utilities diyan eh,” pahayag ni Artes.

Ayon kay Artes, nasa 470,000 ang sasakyan na dumadaan sa EDSA. Halos doble sa 250,000 na karapat dapat na bilang ng sasakyan.