Abalos

Abalos: 921 na lugar sa PH automated na ang transaksyon

Chona Yu Jan 24, 2024
147 Views

NASA 921 na siyudad at munisipalidad na sa buong bansa ang digital o automated na ang transaksyon at pagbibigay serbisyo publiko.

Sa pulong balitaan sa Malakanyang, sinabi ni Department of the Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos na nangangahulugan ito ng 60 porsyento ng kabuuang bilang ng siyudad at munisipalidad sa buong bansa.

Katunayan, sinabi ni Abalos na dahil naging digital na, lumaki na rin ang kita ng local government units.

Mula sa dating kita na P50 bilyon noong 2018, nasa P208 bilyon na ang kita ng LGUs.

Ayon kay Abalos, mula sa dating 1.3 milyong mga rehistradong negosyo noong 2018 umabot na ito ngayon sa 4.7 milyon ang nakarehistro.

Malaking bagay aniya na ginawang simple na lamang ang proseso para sa mga kailangang dokumento ng publiko at mga negosyo.

Sa ilalim ng digitalization, sinabi ni Abalos na mula sa dating 27 mga hakbang para sa pagkuha ng business permits and licenses, ngayon ay 3 steps na lang.

Sa pagpapatayo aniya ng telecommunication at internet infrastracture, ginawa na lamang ngayong 8 ang kailangang mga permit mula sa dating 13, habang mula sa dating 86 na documentary requirements ay nasa 35 na lamang ngayon.

Sa pangkabuuan aniya ng pagproseso inaabot na lamang ito ngayon sa 16 na araw mula sa dating 241 na araw bago ito makumpleto.