Abalos

Abalos: ICC walang ano mang uri ng komunikasyon sa PNP, LGUs

Chona Yu Jan 24, 2024
124 Views

WALANG ano mang uri ng komunikasyon ang International Criminal Court (ICC) sa Philippine National Police (PNP) at local government units kaugnay sa ginagawang imbestigasyon sa anti-drug war campaign ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa pulong balitaan sa Malakanyang, sinabi ni DILG Secretary Benjamin Abalos na base sa kanyang pagkakaalam, walang ginagawang ugnayan ang ICC sa PNP at LGUs.

“As far as our office is concerned, the DILG is, I have no knowledge about this, there is no communication with them, nothing at all,” pahayag ni Abalos.

Una rito, sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na banta sa soberenya ang presensya ng ICC sa Pilipinas.

Mahigpit din ang utos ni Pangulong Marcos na hindi makikipagtulungan ang Pilipinas sa ICC dahil wala na itong hurisdiksyon sa bansa,

“We will follow the lead of the President,” pahayag ni Abalos.

Una rito, sinabi ni dating Senador Antonio Trillanes IV na dumating na sa bansa noong Disyembre ang mga imbestigador ng ICC.

Sabi ni Trillanes, may ilalabas na raw na warrant of arrest laban kay Duterte.

Sinampahan ng kasong crimes against humanity sa ICC si Duterte dahil naging madugo na umano ang kampanya kontra sa ilegal na droga.

Base sa talaan ng PNP, mahigit 6,000 na drug personalities ang nasawi sa operasyon ni Duterte.