Calendar

Abalos isusulong paggamit ng renewable energy para bumaba singil sa kuryente
NANGAKO si senatorial candidate Benjamin “Benhur” Abalos, Jr. na isusulong ang mga batas na magpapalawak sa pinagkukunan ng enerhiya sa Pilipinas sa pamamagitan ng paggamit ng masaganang renewable resources ng bansa upang magkaroon ng mas matatag at abot-kayang suplay ng kuryente.
Ayon kay Abalos, dapat samantalahin ang saganang supply ng renewable energy sa Pilipinas upang maibsan ang pasanin ng mga pamilyang Pilipino sa mataas na singil sa kuryente, na isa sa pinakamahal sa buong mundo.
“Ang renewable energy sa ibang bansa ay 51% pero sa ating ay 18% to 22% lang kahit marami tayong kayang pagkukunan ng electricity sources gaya ng mga bulkan at pati na rin yung mga malalakas na alon sa ating bansa,” saad ni Abalos.
“Kung magkaroon ng magandang programa dito, gaya ng pagbibigay ng incentives at pagkakaroon ng mas masusing pag-aaral pa, malaking bagay ito para sa lahat ng ating mga kababayan dahil ang ibig sabihin nito ay magiging mura ang kuryente sa atin,” dagdag pa niya.
Ipinapakita ng ilang pag-aaral na ang Pilipinas ay may isa sa pinakamataas na presyo ng kuryente, hindi lamang sa Timog-Silangang Asya kundi maging sa buong mundo.
Para kay Abalos, hindi lang pamilyang Pilipino ang naaapektuhan nito tuwing bayaran ng kuryente, kundi pati na rin ang ekonomiya, dahil nakakahadlang ito sa mga mamumuhunan na dalhin ang kanilang negosyo sa Pilipinas dahil sa mataas na gastos sa enerhiya.
Ayon kay Abalos, dapat magsilbing inspirasyon sa mga gumagawa ng polisiya ang mga windmill sa Bangui, Ilocos Norte upang masigasig na itulak ang isang pangmatagalang plano sa pag-unlad ng enerhiya na nakatuon sa renewable sources.
Kabilang sa mga panukalang nais niyang isulong ay ang mas aktibong pakikilahok ng gobyerno sa pamamagitan ng pagbibigay ng iba’t ibang insentibo upang mahikayat ang mas maraming negosyante na mamuhunan sa renewable energy sa bansa.
Sa kasalukuyang 18% hanggang 22% na renewable energy sa Pilipinas, tiniyak ni Abalos na personal niyang babantayan at pangungunahan ang mga hakbang upang mapataas ito ng hindi bababa sa 50%.