Abalos

Abalos nanawagan na driver, operators bigyan pansin sa PTMP

Jun I Legaspi Oct 19, 2024
130 Views

NANAWAGAN si Benjamin “Benhur” Abalos Jr. sa pamahalaan na bigyang pansin ang kapakanan ng mga driver at operator sa pagpapatupad ng Public Transport Modernization Program (PTMP).

Binigyang-diin ni Abalos na hakbang ang modernisasyon ng pampublikong transportasyon tungo sa kaunlaran ngunit hindi ito dapat nakatuon lamang sa pagpapabuti ng mga sasakyan kundi dapat din nitong isaalang-alang ang epekto sa kabuhayan ng mga umaasa sa industriyang ito para sa kanilang hanapbuhay.

Inihayag ito ni Abalos kasunod ng muling pagbubukas ng aplikasyon para sa konsolidasyon sa ilalim ng PTMP ng pamahalaan na dating kilala bilang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).

Ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), ang mga hindi pa nakonsolidang PUV driver at operator maaari nang magsumite ng aplikasyon para sa konsolidasyon sa ilalim ng PTMP hanggang Nobyembre 29.

Noong Abril 30 ang konsolidasyon at inanunsyo ng LTFRB na ang mga hindi nakonsolidang PUV itinuturing nang colorum na naglalagay sa libu-libong mga driver at operator sa panganib na mawalan ng hanapbuhay.

Nilalayon ng PTMP na gawing moderno ang kasalukuyang fleet ng mga PUV, partikular na ang mga kilalang jeepney, upang maging mas episyente at makakalikasan.

Gayunpaman, ang isang unit ng modernong jeepney nagkakahalaga ng P2 milyon.

Hinihikayat ng LTFRB ang mga driver at operator na pumasok sa isang kooperatiba o korporasyon bilang bahagi ng konsolidasyon ng PTMP upang mas madaling makabili ng modernong PUV.

Nangako si Abalos na magsusulong ng mga batas sa Senado na layuning magbigay ng komprehensibong suporta para sa mga PUV driver at operator.

Kabilang dito ang mga programang pinansyal na tutulong sa mga driver at operator na makapagpalit ng modernong sasakyan nang hindi nababaon sa utang; pagbibigay ng mga training program upang matulungan ang mga driver na makaangkop sa mga bagong teknolohiya at mapabuti ang kalidad ng kanilang serbisyo; pagdaragdag ng mga probisyong pangkalusugan at pangkaligtasan sa balangkas ng modernisasyon; at mas malawak na pakikilahok ng mga driver, operator, at transport groups sa proseso ng paggawa ng desisyon.