Abalos

Abalos sa PNP: ‘Ako ang kakampi niyo’

208 Views

SA kanyang unang talumpati sa Philippine National Police (PNP), sinabi ni Interior and Local Government Secretary Benjamin “Benhur” Abalos, Jr. na suportado nito ahensya sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan ng bansa.

Sa isinagawang flag-raising ceremony sa Camp Crame, Quezon City noong Lunes, pinuri rin ni Abalos ang pinalitan nitong si Sec. Eduardo Año, at ang PNP sa mga naabot at sakripisyo nito sa pagganap sa kanilang mandato.

“Maraming nagkasakit na kapulisan at mayroon din namang mga namatay. Your sacrifices include your own lives at nakita po ng mga mamamayan natin iyon. Hindi natin nakikita ang kalaban and yet you’re always there,” sabi ni Abalos.

Sinabi ni Abalos na susuportahan nito ang mga tauhan ng PNP kung kanilang gagampanan ang kanilang mga tungkulin alinsunod sa batas.

“Marami tayong magiging kalaban sa mga susunod na taon. And if there’s one thing na hinihingi ko sa inyo ay ang pagmamahal sa bayan na inyo nang ipinakita. At asahan po ninyo, nasa likod niyo ako. Kung kailangan niyo ako, lahat ng manggugulo sa inyo, ‘wag kayong mag-alala, basta nasa legal lahat ipagtatangol ko kayo. Ako ang kakampi niyo,” dagdag pa ni Abalos.

Muli ring iginiit ni Abalos ang pagpapatuloy ng war on drugs at pagtutuunan umano ng pansin ang pagtiyak na walang mababasurang kaso laban sa mga illegal drug suspects.

Tiniyak din ni Abalos na tutulungan ng ahensya ang mga pulis na mahaharap sa kaso dahil sa pagganap sa kanilang trabaho.

“Hindi ako papayag na mademoralize ang ating mga pulis. Gagawa ako ng sistema, titignan ko ito. Kung nasa lugar at tama naman, I will create a team to evaluate the evidence. Huwag kayong mag-alala tutulungan ko ang ating kapulisan,” sabi pa ni Abalos.

Pipilitin din umano ni Abalos na matugunan ang mga pangangailangan ng PNP upang mas mahusay na magawa ng mga tauhan nito ang kanilang mandato.