Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr. Manila 6th District Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr.

Abante kay Bato: Pakipaliwanag papel mo sa drug war ni Duterte

Mar Rodriguez Aug 19, 2024
133 Views

HINAMON ni Manila 6th District Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr. si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa na dumalo sa pagdinig ng quad committee ng Kamara de Representantes upang mabigyang-linaw ang kanyang papel sa war on drugs ng administrasyong Duterte kung saan libu-libo ang pinaslang.

Ginawa ni Abante, chairman ng House Committee on Human Rights at co-chair ng quad committee, ang hamon matapos sabihin ni Dela Rosa na ni-rehash lang ang isyu at tinawag na “broken record” ang imbestigasyon.

Si Dela Rosa ang nagsilbing hepe ng Philippine National Police ng ipatupad ang war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na nagresulta sa pagkamatay ng libu-libong maraming mahihirap kabilang na ang mga napagbintangang adik at pusher.

“Sen. Bato is always welcome to express his thoughts in our hearings,” sabi ni Abante sa isang panayam sa pamamagitan ng Zoom.

Sinabi ni Abante na paulit-ulit na inimbita ng kanyang komite si Dela Rosa upang ipahayag ang panig nito sa isyu subalit hindi ito dumalo.

“Kahit na before the quad-committee was formed, the Committee on Human Rights extended an invitation to the good senator so he could be able to air his side. He has yet to accept any of the invitations extended to him, although it appears that he has a lot of thoughts on the matter,” punto ni Abante.

Hinimok ni Abante si Dela Rosa na ipahayag ang pananaw nito sa imbestigasyon ng quad-committee.

“Kung may sasabihin, huwag niya sabihin sa media, sabihin niya sa quad-comm para talagang maging malinaw ang mga sagot niya. We’re giving him the opportunity, due process for him to
air his side and for us to be able to know his feelings about this,” sabi pa ng kongresista.

Bilang tugon sa sinabi ni Dela Rosa na paulit-ulit na lamang ang imbestigasyon, sinabi ni Abante na mayroong mga bagong impormasyon na lumutang sa isinasagawang pagdinig.

“Hindi paulit-ulit. Mas mabuti pumunta siya para tinanong maigi kung paulit-ulit ito,” sabi ni Abante.

“Nagpa-present kami ng iba-ibang mga witnesses kasi nais namin maulit na makita at maimbestiga ang maraming kamalian na nangyayari,” giit pa nito.

Tinukoy ni Abante ang quota system na ipinatupad sa mga pulis para sa drug war accomplishments.

“Anong natuklasan namin noong last hearing na sinabi ng ilang mga kapulisan natin na may reward system, may quota system?” paliwanag ni Abante. “Itinatanggi ng iba ito pero ‘pag nakakausap ang ibang mga police officers natin, may police officers na active pa, siya mismo nagsabi na may reward system. ‘Pag nakakapatay po ang police ng drug pusher, binibigyan po ng pera ‘yan.”

Iginiit ni Abante na hindi politically motivated ang kanyang mga aksyon at ang isinusulong nito ay hustisya.

“Actually alam mo, unang-unang sabihin ko rito, trabaho lang ito, walang personalan, walang politika,” sabi pa ng kongresista. “Palagay ko kilala na ako lahat na I’m not doing this for politics sake, I’m doing this dahil kailangang gawin ito as part of my advocacy.”

Binigyan-diin din ng kongresista na hindi maaaring balewalain na lamang ang hinagpis ng pamilya ng mga biktima.

“Now ito tulad ng ganyan. I mean hindi pwedeng sabihin na kahit namatay po ‘yan 2018, maaaring kalimutan ng mga magulang ‘yan. Until now they’re crying for justice,” sabi ni Abante. “So it is up to the committee to be able to really investigate on that.”

Iniimbestigahan ng quad-committee— binubuo ng Committees on Dangerous Drugs, Public Order and Safety, Human Rights, at Public Accounts—ang uganayan ng Philippine Offshore Gaming Operators, bentahan ng iligal na droga, ay EJK sa pagpapatupad ng war on drugs ng nakaraang administrasyon.