Abante

Abante nagbigay ng matalim na mensahe kay Digong

20 Views

SINIMULAN ni Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr. noong Miyerkules ang pagdinig ng Quad Comm ng may matalim na mensahe para kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, na nagpapaalala sa dating Pangulo na huwag magmura o gumamit ng mga malalaswang salita sa pagdinig ng Kamara de Representantes.

Si Abante, isa sa co-chair ng Quad Comm at pinuno ng House Committee on Human Rights, ay nagbigay ng babala kaugnay ng paggamit ng mga hindi nararapat na salita sa pagdinig ng komite.

“Ang kahilingan lang po namin dito, habang kayo po ay kinakausap namin ngayong umaga, ang kahilingan lang po namin dito ay sana naman respetuhin po ninyo ang Quad Comm hearing na ito sa pamamagitan ng hindi paggamit ng mga vulgar words,” saad ni Abante.

“Kapag kayo po ay nagmura sa Quad Comm hearing na ito, I will make a point of order on you,” diin pa ng mambabatas.

Ipinaliwanag niya na mayroong siyang legal na batayan upang mapanatili ang kaayusan ng pagdinig, at pinatibay ang pangako ng Quad Comm na magkaroon ng magalang at maayos na daloy ng imbestigasyon.

Sa pambungad na pahayag, binanggit ni Abante na ang kanyang simbahan na may higit 6,000 pastor ay sumuporta kay Duterte sa kanyang pagtakbo bilang pangulo noong 2016, ngunit hindi umano ito nakatanggap ng pasasalamat mula sa pinasalamatan ng dating pangulo.

Bahagi rin ng panimulang pahayag ni Abante, binigyan diin nito ang panawagan ng pag-iral ng paggalang, ngunit kanyang ipinaliwanag na ang respeto ay hindi nangangahulugang pagyuko o pagsunod.

“While we should be respectful, we cannot be deferential,” saad ni Abante.

“We answer to a power greater than any president – we answer to the Filipino people and to God,” giit pa nito.

Nagtakda si Abante ng malinaw na precedent para sa imbestigasyon ukol sa mga alegasyon na may kaugnayan sa kampanya ng gobyerno laban sa droga, habang pinaalalahanan ang dating pangulo na ang imbestigasyon ay isang seryosong hakbang na naglalayong tuklasin ang katotohanan.

“Our mission is to seek the truth, and we shall not be swayed from that path,” saad pa ni Abante.

Iginiit din ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, isa pang co-chair ng Quad Comm, ang layunin ng imbestigasyon, at binigyang-diin ang pangangailangan nito upang labanan ang ilegal na droga at tapusin ang mga extrajudicial killings.

“The Quad Comm was established after realizing that overlapping issues were being investigated by various committees.” Ayon kay Barbers na ang pagsasama ng mga komite ay magpapadali at magtitiyak ng isang komprehensibong imbestigasyon.

Binanggit ni Barbers na ang imbestigasyon, na unang nakatutok sa ilegal na droga, ay kalaunan ay pinalawak upang isama ang mga extrajudicial killings at ang ugnayan ng mga ilegal na operasyon ng droga at organized crime.

Ipinunto niya ang mga rebelasyon na nag-uugnay sa mga mataas na opisyal ng gobyerno sa mga aktibidad na ito.

“What started as an investigation into illegal drugs has expanded into a deeper probe that has shocked the nation,” saad ni Barbers.

Binalikan din ni Abante ang paksang integrity at independence, na sinagot ang puna ng legal counsel ni Duterte na si Atty. Salvador Delgra, na kinukwestyon ang impartiality ng Quad Comm na tinawag niyang isang ‘politikal na pakana.

“We assure you that our purpose here is to seek the truth, not to pass judgment,” saad pa nito.

Samantala, ginamit ni Abante ang pagkakataon upang siguruhin ang paggalang ng Quad Comm sa mga karapatan ni Duterte bilang dating pangulo, at sinabing, “Iginagalang po namin kayo and in deference to you being the former President of the Republic, we shall accord to you all the respect due you.”

Gayunpaman, nilinaw niya na ang paggalang na ito ay hindi magiging hadlang upang hindi gisahin ang dating pangulo ng mga katanungan na naglalayong tuklasin ang pananagutan kaugnay ng mga diumano’y paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng kanyang administrasyon.

Inulit ni Barbers ang parehong sentimyento, binigyang-diin ang responsibilidad ng Quad Comm na pakinggan ang lahat ng panig at magbigay ng mga rekomendasyon batay sa ebidensya at testimonya.

“We are here not to judge but to listen, to understand the truth,” pahayag pa nito.

Hinihikayat din ni Barbers si Duterte na harapin nang hayagan ang mga akusasyong isinampa laban sa kanya, na aniya’y mahalaga sa paghahanap ng katarungan para sa mga biktima ng diumano’y mga paglabag sa ilalim ng kanyang kampanya laban sa droga.

Ang pagdinig, na orihinal na ipinagpaliban dahil sa mga conflict ng schedule, ay ipinagpatuloy matapos malaman ang kahandaan ni Duterte na dumalo.

Ipinaliwanag ni Barbers na nagpasya ang Quad Comm na ituloy ang pagdinig upang ‘samantalahin ang pagkakataon sa presensya ni [Duterte]’ at bigyan siya ng pagkakataong sagutin ang mga akusasyon laban sa kanya.