Dating Napolcom commissioner Edilberto Leonardo Dating Napolcom commissioner Edilberto Leonardo

Abante naniniwala na ikakanta ni Leonardo alam sa Duterte drug war

73 Views

NANINIWALA si Manila 6th District Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr. na ikakanta ni dating National Police Commission (Napolcom) commissioner Edilberto Leonardo ang kanyang nalalaman sa isinasagawang imbestigasyon ng House quad committee sa extrajudicial killings (EJK) kaugnay ng madugong war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Abante, co-chair ng House quad comm, isasalang nila si Leonardo kapag nagsumite ito ng kanyang sinumpaang salaysay kaugnay ng kanyang nalalaman sa EJK.

“Until such time that Col. Leonardo would submit to us an affidavit, doon namin siya isasalang,” ani Abante sa isang press conference sa Kamara de Representantes.

Sinabi ni Abante na magiging malakas din ang testimonya ni Leonardo gaya ni dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) general manager Royina Garma na nagkumpirma na mayroong reward system para sa mga pulis na nakakapatay ng mga drug suspect.

“Sa aking palagay, personally, meron,” ayon kay Abante na nagsabi na maaaring magkaroon na ng sinumpaang salaysay si Leonardo sa pagdinig ng komite sa Oktubre 22.

Umaasa si Abante na ilalahad ni Leonardo ang lahat upang mas maging malinaw ang mga detalye ng kontrobersyal na war on drugs ni Duterte na nagresulta sa pagkamatay ng libu-libong katao.

Nauna rito, sinabi ni Garma na si Leonardo ang inirekomenda nito kay Duterte na mamuno sa pagpapatupad ng Davao model war on drugs sa buong bansa. Si Leonardo ay dating nakatalaga sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Region 11.

Sinabi ni Garma na ang mga pulis na nakakapatay ng drug suspect ay binibigyan ng reward na galing sa staff ng noon ay Special Assistant to the President at ngayon ay Sen. Christopher “Bong” Go.

Sinasabing mas malalim ang mga impormasyong hawak ni Leonardo kaugnay ng operasyon at mga polisiya sa kontrobersyal na war on drugs.

Ang quad comm ay binubuo ng House committees on dangerous drugs, public order and safety, human rights at public accounts.