Abante2

ABANTE: PASAN NG DEPENSA NI VP SARA ANG BIGAT NG PAGPAPATUNAY SA IMPEACHMENT TRIAL

Mar Rodriguez Sep 6, 2026
159 Views

BINIGYANG-DIIN ni Manila 6th District Rep. Bienvenido “Benny” M. Abante, Jr. na nasa panig na ngayon ni Vice President Sara Z. Duterte at ng kanyang mga abogado ang bigat ng pagpapatunay upang sagutin ang mga ebidensyang iniharap laban sa kanya sa impeachment trial.

Sinabi ni Abante, chairman ng House Committee on Human Rights at isa sa mga nag-endorso ng impeachment complaint laban kay Duterte, na nagawa na umano ng prosecution team ang kanilang bahagi sa paglalahad ng mga ebidensya.

“Sa akin, the burden of proof is now on the Vice President. The burden of proof is now on the defense lawyers kung anong gagawin nila,” wika ni Abante.

Dagdag pa ng kongresista na sapat na umano ang mga ebidensyang iniharap ng prosecution at kailangan na itong maayos na sagutin ng kampo ng Vice President.

“Sapagkat nagawa na po ng prosecution team lahat ng magagawa at nailabas na po ang mga ebidensya na kinakailangan nilang sagutin po nang maayos,” dagdag ni Abante.

Ginawa ni Abante ang pahayag habang papalapit sa pagtatapos ang presentasyon ng prosecution sa Article I ng impeachment case, na tumatalakay sa umano’y maling paggamit ng confidential funds.

Sa impeachment proceedings, iniharap ng prosecution ang mga testimonya at dokumentaryong ebidensya kaugnay ng paghawak at liquidation ng kabuuang ₱612.5 milyon na confidential funds na nasa ilalim ng pamamahala ni Duterte,₱500 milyon sa Office of the Vice President (OVP) at ₱112.5 milyon sa Department of Education (DepEd).

Kabilang sa mga naging testigo sina dating OVP special disbursing officer Gina Acosta, OVP Assistant Secretary Lemuel Ortonio, dating DepEd Undersecretary Michael Wesley Poa at ilang opisyal ng militar na may kaugnayan sa mga certification na ginamit ng DepEd sa pagtugon sa mga findings ng Commission on Audit (COA).

Sa kanyang testimonya, sinabi ni Acosta na naibigay niya ang apat na tranche na tig-₱125 milyon mula sa confidential funds ng OVP kay noon ay security chief na si Col. Raymund Dante Lachica, alinsunod umano sa utos ni Duterte.

Gayunman, sinabi ni Acosta na wala siyang personal na kaalaman kung paano ginastos sa huli ang naturang pera.

Samantala, sinabi ni Ortonio na sina Duterte at Lachica lamang ang nakaaalam ng mga detalye hinggil sa operasyon ng confidential funds ng OVP.