Duterte3 Dating Pangulong Rodrigo R. Duterte

Abante: Pilipinas naging ‘killing field’ noong panahon ni FPRRD

Mar Rodriguez Nov 13, 2024
51 Views

NAGMISTULANG “killing field” ang Pilipinas ng mga taong sangkot sa paggamit at pagtutulak ng iligal na droga noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo R. Duterte, bunsod umano ng inilunsad nitong war on drugs campaign.

Ito ang pahayag ng co-chairman ng House quad committee na si Manila 6th District Rep. Bienvenido “Benny” M. Abante, Jr. sa kaniyang opening statement sa ika-11 pagdinig ng komite.

Aniya, ginawang “killing field” ng mga drug suspect at inosenteng biktima ang bansa noong panahon ng dating pangulo, base na rin sa kaniyang naging direktiba sa mga tauhan ng Philippine National Police (PNP).

Sabi ni Abante, matapos maluklok si Duterte bilang ika-16 na pangulo ng bansa, ipinangako nito na wawakasan o pupuksain nito sa loob ng anim na buwan ang salot na iligal na droga. Subalit umabot umano ang anim na taon at hanggang sa kasalukuyan ay namamayagpag pa rin ang illegal drugs.

“The new-elected President Duterte promised to wipe out the drug menace in six months. Pero inabot kayo ng anim na taon. Hanggang ngayon, meron tayong war on drugs,” pahayag ni Abante sa kaniyang opening statement.

Pagdidiin pa ni Abante na sa takbo ng war against drugs campaign ni dating Pangulong Duterte, naging brutal umano ang naturang kampanya sapagkat dito aniya sumulpot ang mga tiwaling pulis na nakapatay ng mga inosenteng biktima, kasama na ang walang habas na pagpatay ng mga riding-in-tandem sa mga inosenteng sibilyan.

“Hindi namin akalain kung bakit kinakailangang pumatay ng libo-libong Filipino, more than 30,000, in fact. Sa more than 30,000, 7,000 lang ang drug suspects,” sabi pa ni Abante.

Ayon sa kongresista, ang mga tinaguriang “assassin” ay inudyukan umanong pumatay ng mga drug suspect at inosenteng sibilyan sa pamamagitan ng ipinatupad na reward system ng administrasyong Duterte.

Dahil dito, ipinahayag pa ni Abante na naging talamak umano ang mga pagpatay sa bansa na nakaangkla sa war on drugs campaign.

Mas naging masahol pa aniya sa Mexico at Columbia ang Pilipinas patungkol sa madugong kampanya laban sa illegal drugs.

“Naging killing field po ang ating bansa. Talo pa natin ang Mexico at Columbia. Kung saan not more than 10,000 ang namatay,” ayon pa kay Abante.

Paliwanag ni Abante, pinagtibay ito ng mga bata at inosenteng sibilyan na walang habas na napatay sa takbo ng madugo at brutal na drug war, kung saan trinato lamang ang mga biktima bilang “collateral damage.”