Teofimar Renacimiiento

Abusado’t kapal-mukha sina Isko Moreno at kanyang mga alagad

297 Views

TOTOO ang kasabihan. Kapag wala ang pusa, maglalaro ang mga daga.

Malaking perwisyo sa mga mamamayan ng lungsod ng Maynila itong kanilang punong-lungsod o mayor, si Francisco “Isko Moreno” Domagoso. Madalas wala sa Manila City Hall. Palaging nasa iba-ibang luklok ng Pilipinas at ipinagpipilitan sa mga botante na ihalal siya bilang pangulo ng Pilipinas.

Nung Mayo 2019, hinalal si Domagoso na mayor ng Maynila. Bilang mayor, dapat lang na maglingkod siya sa mga mamamayan ng kanyang lungsod. Hindi naman siya kongresista, kaya dapat gamitin niya ang kanyang panahon para sa mga taga-Maynila.

Dahil napaalis ni Domagoso bilang bagong mayor ng Maynila ang maraming mga nagtitinda sa mga lansangan sa Divisoria, napansin si Domagoso ng mga hindi lang taga-Maynila kung hindi pati ng mga taga-Metro Manila. Tinawag siya na mabisang lingkod-bayan.

Tinawag-pansin din ng marami na nakayanan ni Moreno na talunin si Joseph “Erap” Estrada sa halalan ng mayor nung Mayo 2019. Batikan na pulitiko at dating pangulo si Erap, tapos tinalo siya ni Domagoso.

Lumaki naman agad ang ulo ni Domagoso. Yumabang din.

Una, lumabas si Domagoso sa ilang mga patalastas sa mga karatulang nakatayo sa iba-ibang lugar sa Metro Manila. Kung ano-ano na lang na mga produktong kalakal ang kanyang iniindorso sa mga nasabing patalastas.

Sa ilalim ng Local Government Code, ipinagbabawal ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan, kasama na ang mga mayor ng lungsod, na maghanap-buhay habang sila ay nakaluklok sa pamahalaan.

Maliwanag na linabag ni Domagoso ang Local Government Code. Para kay Moreno, hindi siya sakop ng batas. Abusadong mayor ito!

Nung taong 2019, pinintasan si Domagoso sa kanyang pagiging “bold star” o hubadero nung kabataan pa niya. Ano ang sagot ni Domagoso? OK lang daw yung pagpapakita niya ng laman dahil maganda naman daw ang kanyang katawan!

Anong klaseng tugon iyon? Imbis na magpaumanhin si Domagoso sa kanyang pagiging dating bold star, pinagmalaki pa niya ang kanyang dating hanap-buhay! Tila pinapalabas pa niya na ang kanyang dating hanap-buhay bilang bold star ay isang mabuting halimbawa sa mga kabataan! Anong klaseng pangangatuwiran ito? Baluktot!

Wala pa siyang kalahating taon sa pagiging mayor, nag-ambisyon na kaagad si Domagoso na maging pangulo ng Pilipinas. Simula pa lang nang taong 2021, madalas nang dumadalo si Domagoso sa iba-ibang panig ng Pilipinas upang ipagmalaki ang kanyang sarili. Halatang-halata na ganun kaaga pa, nagkakampanya na siya na maging pangulo, matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayong Hunyo 2022.

Pagdating ng Oktubre 2021, naging madalas na ang pagpunta ni Domagoso sa mga maraming lalawigan sa Luzon, Visayas at Mindanao. Dahil sa kanyang pagkakampanya, palagi siyang wala sa Manila City Hall, at napapabayaan niya ang kanyang trabaho at tungkulin bilang mayor ng Maynila.

Mas grabe ang nangyari nang magsimula na ang opisyal na kampanya sa pagkapangulo. Makikita si Moreno sa halos lahat ng dako sa Pilipinas, maliban lang sa kanyang opisina sa Manila City Hall. Anong klaseng mayor ng Maynila ito? Palaging wala sa Maynila!

Hinalal si Domagoso para maglingkod sa Maynila, tapos mas maraming oras ang kanyang ginugugol sa labas ng kanyang lungsod, upang matupad lang niya ang kanyang ambisyon maging pangulo. Lugi ang mga botante ng Maynila dahil “absentee mayor” (o palaging absent sa Manila City Hall) si Domagoso.

Si Domagoso ay kagaya ni Manny Pacquiao na madalas ay hindi pumapasok sa kanyang opisina sa Kongreso, dahil mas mahalaga kay Pacquiao ang boksing kaysa sa paglingkod sa bayan.

Ang nakakasuklam-suklam sa lahat ay tuloy ang pagtanggap ni Domagoso ng kanyang sahod bilang mayor ng Maynila, kahit halos hindi na siya pumapasok sa trabaho niya sa Manila City Hall. Dahil dito, maaaring sampahan ng kahit na sinong mamamayang Pilipino ng kasong anti-graft at kasong administratibo si Domagoso sa Office of the Ombudsman. Walang filing fee ang paghain ng reklamo sa Office of the Ombudsman.

Yung Ombudsman mismo, maari na niyang sampahan ng kaso si Domagoso, kahit walang reklamo mula sa mga mamamayan. Kilos na, Ombudsman Samuel Martires! Gising na! Kailan ka ng taong-bayan!