Teofimar Renacimiiento

‘Abusado’t kapal-mukha’ sina Isko Moreno at kanyang mga alagad

259 Views

(PANGALAWA’T HULING BAHAGI)

KUNG hindi rin lang pumapasok sa trabaho niya sa Manila City Hall bilang mayor ng Maynila si Francisco “Isko Moreno” Domagoso, at dahil hindi rin niya binibigay ng lubos ang kanyang panahon para sa paglilingkod sa mga mamamayan ng Maynila, dapat nagbitiw na lang si Domagoso bilang mayor. Katiwalian at kakapalan ng mukha ang kanyang hindi pagbibitiw sa kanyang tungkulin bilang mayor.

Mabuti pa ang ibang mga kandidatong tumatakbo sa pagka pagka-senador. Nagbitiw sila sa tungkulin nila sa pamahalaan nang sumabak sila sa halalan. Di tulad ni Domagoso, hindi sila sumasahod ng hindi karapat-dapat.

Halimbawa dito ay sina Harry Roque at Salvador Panelo. Nagbitiw sila sa kanilang mga tungkulin sa gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte upang tumakbo sa Senado. Di tulad ni Domagoso, may delicadeza sina Roque at Panelo.

Anya ng kampo ni Domagoso, OK lang daw na hindi pumapasok sa Manila City Hall ang kanilang amo dahil madalas naman daw si Domagoso nakikipag-ugnayan sa kanyang opisina sa Manila City Hall sa pamamagitan ng cell phone.

Hoy, Mayor Domagoso! Hinalal ka para maglingkod ng personal sa Maynila, at hindi upang magpatakbo ng Manila City Hall sa pamamagitan ng telepono lamang! Katiwalian ang ginagawa mo! Mahiya ka naman!

Dahil palaging wala nga sa Manila City Hall si Domagoso, maraming mga kawani sa Maynila ang naging abusado. Lantaran ang kanilang pagiging abusado.

Halimbawa, wala pang alas 4 p.m. ng hapon, Lunes hanggang Biyernes, maraming mga kawani ng Manila City Hall ang makikita umanong kumakain at namamasyal sa SM Arroceros, isang malaking shopping mall sa tabi mismo ng Manila City Hall.

Kapansin-pansin ang mga nasabing mga kawani dahil sa suot nilang mga damit, t-shirt at uniporme. Kaya naman bago pa mag alas 3 p.m., wala nang mga kawaning nag-aasikaso sa mga mamamayang dumudulog sa Manila City Hall. Palagi na lang silang sinasabihang, “Bumalik na lang kayo bukas!”

Bakit pumapayag si Domagoso sa pagbubulakbol ng mga kawani ng Manila City Hall? Hindi dapat lantaran ang kanilang pagbubulakbol kung palaging nasa opisina niya sa Manila City Hall si Domagoso.

Marami ring mga sasakyan ng Manila City Hall na gumagala sa lungsod na walang plakang nakakabit sa harap o likod ng mga ito. Kapag sila ay tatanungin kung bakit wala silang mga plaka sa kanilang ginagamit na sasakyan, agad-agad nilang palusot na taga-Manila City Hall sila at may pahintulot daw sila ni “Yorme,” ang palayaw na ginagamit ni Domagoso.

Ayon sa batas, kahit sasakyang pag-aari ng pamahalaan ay dapat nakarehistro sa Land Transportation Office, at dapat may mga plaka ito. Ayan, dahil palaging wala sa Manila City Hall si Domagoso, abusado na ang kanyang mga alagad sa Maynila.

Tila pati pulis Maynila, naging abusado na rin! Hindi nila sinisita ang mga sasakyan ng Manila City Hall na gumagala kahit walang plaka ang mga ito!

Tinatawag natin ang pansin ni Chief Police General Dionardo Carlos ng Philippine National Police! Bakit pinapayagan ng mga pulis Maynila ang paglabag sa batas ng mga alagad ni Domagoso? Alam ba ni General Carlos ang nangyayari sa Maynila? Gising na, General Carlos! Tanghali na po!

Ang isang mahalagang tanong kay Domagoso ay kung saan nanggagaling ang salaping ginugugol niya sa kanyang kampanya. Hindi sapat ang kanyang sahod bilang alkalde ng Maynila upang tustusan niya ang kanyang ginagastos sa kanyang kampanya sa buong Pilipinas.

Yung mga patalastas pa lang niya sa TV, daan-daang milyong piso na ang halaga!

Dapat din sagutin ni Domagoso ang mga ulat na maraming salapi ng Manila City Hall ang nawawala sa ilalim ng kanyang pangasiwaan bilang mayor. Saan ito napunta?

May mga ulat din na madalas si Domagoso magsugal sa mga pasugalan o casino. Bawal sa batas para sa isang mayor ang magsugal sa mga casino. Kung totoo ang mga ulat na ito, saan nanggagaling ang salaping itinataya ni Domagoso sa mga nasabing pasugalan?

Mayor Domagoso! Magbitiw ka na bilang Mayor! Sayang ang sahod na tinatanggap mo bilang absentee mayor! Sagutin mo na rin ang mga tanong ng taong-bayan!

Dahil sa iyong panggugulang sa taong-bayan, minamalas tuloy ang iyong kampanya.

Sabi nga ni Leni Robredo, hindi dapat pagkatiwalaan si Domagoso.