Villar

Access sa AI, subsidiya sa gadget para sa mga estudyante hiniling

28 Views

INIHAIN ni Senador Mark A. Villar ang isang panukalang batas na magbibigay ng subsidiya sa gadget, tulong sa internet, at access sa artificial intelligence tools para sa mga kwalipikadong estudyante, bilang tugon sa patuloy na kakulangan sa digital access sa sektor ng edukasyon.

Ang panukala, na Senate Bill No. 2048 o ang “Boosted Technology Subsidy (BTS) for Students and Learners Act,” ay naglalayong mapalawak ang akses sa teknolohiya para sa mga benepisyaryong naka-enroll sa mga pampublikong paaralan, State Universities and Colleges, Alternative Learning Systems, at iba pang kinikilalang educational programs.

Sa ilalim ng panukalang BTS Program, makatatanggap ang mga kwalipikadong benepisyaryo ng komprehensibong suporta kabilang ang subsidiya na hanggang P30,000 kada mag-aaral para sa gadget, tulong sa koneksyon sa pamamagitan ng pocket Wi-Fi device at buwanang internet allowance sa loob ng academic term, at subscription sa AI tools upang mapahusay ang pananaliksik, pagkatuto, at academic performance.

Ayon kay Villar, tugon ang panukala sa mga natuklasan ng Second Congressional Commission on Education, na tumukoy sa nagpapatuloy na kakulangan sa digital infrastructure at limitadong access sa angkop na hardware at software, lalo na sa mga estudyanteng mula sa mababang-kitang mga pamilya.

“Ito ay isang pamumuhunan para sa ating kabataan at sa kinabukasan ng ating bansa. Sa pamamagitan ng pagpapalawak ng akses sa digital na edukasyon, pinatitibay natin ang ating sistema ng edukasyon at binubuksan ang mas maraming oportunidad para sa bawat Pilipinong mag-aaral,” ani Villar.

Idinagdag pa niya na sa ilalim ng panukala, hindi na kailangang manghiram ng gadget ang mga estudyante o lumabas pa ng kanilang bahay o paaralan para lamang makapag-research at makagamit ng internet, habang mabibigyan din sila ng access sa mga AI tools upang mas mapadali ang kanilang pag-aaral.

Naglalaman din ang panukala ng mga pananggalang laban sa pag-abuso sa programa. Anumang pagbebenta, pagpapahiram, o paglilipat ng subsidized na gadget, internet subscriptions, o AI services bago matapos ang pag-aaral ng benepisyaryo ay ituturing na walang bisa at magiging dahilan ng diskwalipikasyon sa programa.

Ayon pa kay Villar, hinihikayat din ng panukala ang pakikilahok ng pribadong sektor sa pamamagitan ng mga umiiral na insentibo sa ilalim ng Adopt-A-School Act of 1998, kung saan maaaring tumulong ang mga kumpanya sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ng mga kagamitan at digital services para sa mga estudyanteng nangangailangan.