Calendar
Acidre: Affidavit, testimonya ni Madriaga may kredibilidad
MAY matibay na kredibilidad ang affidavit at testimonya ng umamin na “bagman” na si Ramil L. Madriaga sa mga reklamong impeachment laban kay Bise Presidente Sara Z. Duterte, batay sa lalim at pagkakapare-pareho ng kanyang mga sinumpaang pahayag.
Ito ang ayon kay House Committee on Higher and Technical Education Chair Jude Acidre, na nagsabing ang antas ng detalye sa supplemental affidavit ni Madriaga ay nagpapahirap na ito ay basta na lamang ituring na gawa-gawa.
“Kung tutuusin, baka nga masyado pang maraming detalye ang naibigay niya. Imposibleng gawa-gawa ang ganitong klaseng salaysay. Dire-diretso ang kuwento at malinaw na malalim ang alam niya,” ani Acidre sa isang pahayag noong Linggo.
Si Madriaga, na humarap sa House Committee on Justice, ay nagpatunay sa ilalim ng panunumpa sa kanyang affidavit na naglalarawan ng umano’y paghawak at paggalaw ng confidential funds na iniuugnay sa Bise Presidente.
Ayon kay Acidre, pinatitibay ang salaysay ni Madriaga ng kanyang malapit na ugnayan sa trabaho sa Bise Presidente at sa kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, na nagbigay sa kanya ng direktang kaalaman sa mga transaksiyong kanyang inilarawan.
“Hindi ito galing sa labas o haka-haka lang. Siya mismo ang nagsasabing bahagi siya ng proseso, kaya may personal at direktang kaalaman siya sa mga pangyayari,” ani Acidre.
Itinuro rin ng lider ng Kamara na nagprisinta si Madriaga ng pisikal na ebidensiya, kabilang ang mga tseke, upang suportahan ang kanyang mga pahayag, na lalo pang nagpapabigat sa kanyang testimonya.
Binigyang-diin ni Acidre na ang affidavit ay lampas sa pangkalahatang paratang at sa halip ay nagbibigay ng tiyak at masusubaybayang detalye.
“Hindi ito puro paratang lang. May mga partikular na halaga, petsa, lugar, at paraan ng paggalaw ng pera. Kapag ganito ka-detalye, hindi mo basta masasabi na imbento lang,” ani Acidre.
Sa kanyang affidavit, inilarawan ni Madriaga kung paano umano inihatid at ipinamahagi ang pera, at kung paano binigyang-katwiran ang ilang gastusin sa ilalim ng paggamit ng confidential funds.
Ayon kay Acidre, mas nagkakaroon ng bigat ang mga pahayag na ito kapag tiningnan kasama ng mga audit findings na tumutukoy sa kakulangan sa dokumentasyon at pagbibigay-katwiran sa paggastos ng confidential funds.
“Kapag pinagsama ang testimonya at ang audit findings, may lumalabas na malinaw na pattern. Hindi ito magkakahiwalay na kuwento dahil nagkakatugma ang mga detalye,” ani Acidre.
Binanggit din ni Acidre na isinagawa ni Madriaga ang kanyang mga pahayag sa ilalim ng panunumpa at nagsumite ng waiver ng bank secrecy, na nagpapakita ng kahandaang masuri ang kanyang mga sinasabi.
Sinabi niya na bagaman ang mga alegasyon ay sasailalim pa sa masusing legal na pagsusuri, nararapat lamang na seryosohin ang testimonya.
“Kapag ang isang testigo ay nagbibigay ng tuloy-tuloy, malinaw, at detalyadong salaysay, obligasyon nating seryosohin ito. Dito magsisimula ang paglalatag ng katotohanan,” ani Acidre.
Sa kasalukuyan, sinusuri ng House Committee on Justice ang mga ebidensiya upang matukoy kung may sapat na batayan (probable cause) upang iangat ang mga reklamong impeachment laban kay Duterte sa Senado.

