Acidre Tingog Party-list Rep. Jude Acidre

Acidre isinusulong parusa sa paghimok sa isang tao na pumatay

47 Views

Matapos aminin ni VP Sara na may kinausap ito para patayin si PBBM

INIHAIN ni Tingog Party-list Rep. Jude Acidre ang House Bill (HB) No. 11166 o ang panukalang “Anti-Solicitation to Murder Act,” matapos aminin ni Vice President Sara Duterte na mayroon itong kinausap upang patayin sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at Speaker Ferdinand Martin Romualdez.

Ang pag-amin sa publiko ni Duterte, na aniya’y “not a joke,” ay nagdulot ng malawakang kritisismo at kwestyon sa pananagutan sa pinakamataas na posisyon ng gobyerno.

“Ang ganitong pahayag ay hindi maaaring balewalain. Kung kaya ito gawin ng basta-basta lang sa pinakamataas na opisyal ng bansa, what is stopping anyone from doing the same sa mga walang kalaban-laban nating kababayan?” ayon kay Acidre, kasabay ng panawagan sa agarang pagkakaroon ng batas laban sa pang-uudyok ng karahasan.

Ipinapaliwanag ng panukala na ang “solicitation to murder” ay ang paghimok, paghikayat o pagpapalakas ng loob sa isang tao upang magsagawa ng pagpatay, direkta o hindi direkta, may bayad man o wala.

Binigyang-diin ni Acidre na layunin ng panukalang batas na magpataw ng parusa sa solicitation, maisagawa man o hindi ang krimen.

“Ang House Bill No. 11166 ay tugon sa kakulangan ng malinaw na batas laban sa ganitong uri ng karahasan,” giit ni Acidre. “Hindi pwedeng hayaan na ang ganitong klase ng kilos, kahit na mula pa sa pinakamataas na opisyal ng gobyerno, ay walang katapat na parusa.”

Lumala ang kontrobersyang kinakaharap ni VP Duterte makaraan na ring umalma ang Pangulong Marcos sa kaniyang pahayag kaugnay sa “criminal plot” at maglabas ng subpoena ang National Bureau of Investigation (NBI) para imbestigahan sa mga posibleng paglabag sa anti-terrorism law.

Isinama rin sa mga hakbang ang paghahain ng isang impeachment complaint na nag-aakusa sa Bise Presidente ng “betrayal of public trust.”

Ang HB 11166 ay naglalaman ng mga sumusunod na pangunahing probisyon:

• Proportional Penalties: Ang “paghihikayat” na nagdulot ng pagpatay ay paparusahan ng reclusion perpetua, habang mayroong mas magaan na parusa para sa mga pagtatangkang o nabigong krimen.

• Independent Prosecution: Ang “solicitation” ay maaaring kasuhan nang hiwalay mula sa aktwal na krimen, at maaaring tanggapin sa korte bilang ebidensya ang mga dokumento, recording o testimonya.

• Civil Liability: Ang mga nagkasala ay kailangang magbayad ng danyos sa mga biktima o kanilang mga pamilya para sa mga moral at halimbawa ng pinsala.

“Public officials must lead by example and uphold the rule of law,” saad pa ni Acidre. “Ang panukalang batas na ito ay magbibigay ng malinaw na mensahe: hindi dapat hayaan na ang pananakot at karahasan ay bahagi ng ating lipunan, lalo na kung ito’y nagmumula sa mga may kapangyarihan.”