Calendar

Acidre makikipag-ugnayan sa Simbahan para sa isinusulong na Marriage Reform Bill
MAKIKIPAG-UGNAYAN si Tingog party-list Rep. Jude Acidre sa mga pinuno ng Simbahan, mga dalubhasa sa cannon law, at mga legal scholars para sa kanyang isinusulong na Marriage Reform bill.
Layunin ng House Bill No. 10970 na palawakin ang mga batayan para sa pagpapawalang-bisa ng kasal (annulment) at gawing mas mabilis at abot-kaya ang proseso nito.
Sa kanyang talumpati sa 31st National Convention ng Canon Law Society of the Philippines (CLSP), binigyang-diin ni Acidre ang agarang pangangailangan ng mga pagbabago sa batas na mas tutugon sa hamon ng buhay may-asawa, habang tinitiyak ang katarungan at patas na proseso sa annulment. Ipinahayag din niya na ang kanyang pakikilahok sa nasabing pagtitipon ay isa lamang sa maraming hakbang na kanyang isasagawa upang makuha ang malawakang suporta mula sa mga faith-based institutions at legal experts.
Pangunahing Reporma sa House Bill No. 10970
• Mas Pinalawig na Batayan para sa Annulment at Legal Separation – Isinusulong ng panukala ang bagong legal na batayan tulad ng kakulangan sa kahustuhan ng isip, panlilinlang, pamimilit, at mapanlokong layunin, na hindi pa ganap na saklaw ng kasalukuyang batas sibil.
• Mas Mabilis at Mas Abot-Kayang Proseso ng Annulment – Gagamit ng pinaikling proseso upang mapabilis ang desisyon at mabawasan ang gastos ng mga mag-asawang nais makahanap ng legal na lunas.
• Pagkilala sa Annulment ng Simbahan sa Batas Sibil – Isinusulong na ang mga deklarasyon ng pagpapawalang-bisa ng kasal mula sa Simbahan ay legal na kilalanin, upang hindi na kailangang dumaan sa hiwalay na paglilitis sa korte sibil.
Pagtutugma ng Batas Sibil at Batas ng Simbahan
Binanggit ni Acidre na magkaiba ang batas sibil at batas ng Simbahan sa pagpapawalang-bisa ng kasal. Sa Simbahang Katolika, kinikilala ang psychological immaturity bilang dahilan ng pagpapawalang-bisa, ngunit hindi ito tinutugunan ng batas sibil. Ayon kay Acidre, dapat kilalanin ng batas ang papel ng Simbahan sa annulment, alinsunod sa malinaw na legal na alituntunin.
Pagtataguyod ng Matibay na Kasal nang may Katarungan
Pinabulaanan ni Acidre ang pangamba ng ilan na pinahihina ng panukalang batas ang institusyon ng kasal. Ayon sa kaniya, sa halip ay lalo nitong pinatatatag ang kasal sa pamamagitan ng pagtitiyak na ang pag-aasawa ay pinapasok nang may ganap na kaalaman, kalayaan, at pananagutan.
“House Bill No. 10970 is not about making annulments easy—it’s about making them just. It provides legal remedies for those in untenable unions while safeguarding marriage for those who truly honor their vows,” paliwanag ni Acidre.
Habang nagpapatuloy ang talakayan sa House Bill No. 10970 sa Kongreso, muling pinagtibay ni Acidre ang kanyang paninindigan na makipag-ugnayan sa mga pinuno ng Simbahan, mga dalubhasa sa batas, at mga faith-based communities upang mabuo ang isang makatarungan at maunawaing polisiyang na kumikilala sa parehong prinsipyo ng relihiyon at batas.