Calendar
Acidre suportado Bishop Bagaforo sa impeachment ni VP Sara: ‘Ito ay proseso ng paghilom’

SINABI ni House Committee on Higher and Technical Education Chair Jude A. Acidre nitong Sabado na sinusuportahan niya ang posisyon ni Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo na ang impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Z. Duterte ay hindi pang-uusig kundi bahagi ng isang konstitusyonal at demokratikong proseso. Ayon kay Acidre, ang kaso ay dapat nang tingnan hindi lamang bilang isang legal na obligasyon kundi bilang isang “proseso ng paghilom” para sa bansang nabibigatan ng kawalan ng tiwala ng publiko at pagkakahati-hati sa pulitika.
Naglabas ng pahayag si Acidre habang naghahanda ang House of Representatives na bumoto sa pagpapadala sa Senado ng Articles of Impeachment matapos ang ilang linggo ng clarificatory hearings at presentasyon ng mga dokumentaryo at testimonial na ebidensya.
“Tama po si Bishop Bagaforo. Sa isang demokrasya, ang transparency ay hindi kahinaan. Ang accountability ay hindi political harassment. Ang hustisya ay hindi destabilization. Ang impeachment process po ay isang proseso ng paghilom, proseso ng paghahanap ng sagot at liwanag,” ani Acidre.
Ayon sa kanya, nagsisimula ang paghilom sa pagtugon sa mga pagdududa ng publiko kaugnay ng umano’y maling paggamit at pamamahala ng confidential funds.
Sa Article I ng Articles of Impeachment, inaakusahan si Duterte ng culpable violation of the Constitution, graft and corruption, at betrayal of public trust dahil sa umano’y maling paggamit, maling paglalaan, at iregular na liquidation ng P612.5 milyong confidential funds sa ilalim ng Office of the Vice President at Department of Education.
Binanggit sa artikulo ang mabilis na paggastos ng P125 milyon noong huling bahagi ng 2022, kuwestiyonableng liquidation reports, umano’y paggamit ng hindi awtorisadong intermediaries, mga disallowance ng Commission on Audit, findings ng NBI sa sulat-kamay, at mga isyu sa beripikasyon ng PSA sa mga pangalang nakalista sa acknowledgment receipts.
“Kung may sugat sa tiwala ng tao, doon iyon nagsimula. Pera ng bayan ang pinag-uusapan dito. Kapag may tanong sa confidential funds at hindi masagot nang diretso, lalong lumalala ang sugat ng publiko,” sabi ni Acidre.
Dagdag pa niya, dapat ding harapin ng proseso ang kawalan ng katiyakang dulot ng paulit-ulit na hindi pagdalo ni Duterte sa mga public hearing kung saan nagkaroon sana siya ng pagkakataong direktang sagutin ang mga alegasyon.
“Hindi nakagagaling ang pag-iwas. Hindi nakagagaling ang pagkawala sa hearing habang dumarami ang tanong. Lalong lumalalim ang sugat kapag walang humaharap at walang nagpapaliwanag,” aniya.
Sinabi rin ni Acidre na lalong lumalim ang pangamba ng publiko sa ilalim ng Article II, na naglalaman ng mga alegasyon ng unexplained wealth, kabilang ang umano’y pagtaas ng net worth ni Duterte mula P7.25 milyon noong 2007 hanggang P88.51 milyon noong 2024, sa kabila ng tinatayang legal na kita na humigit-kumulang P30 milyon lamang sa parehong panahon.
Binanggit din sa artikulo ang umano’y P6.77 bilyong covered at suspicious transactions na nakita sa records ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na kinasasangkutan ni Duterte at ng kanyang asawa.
“Hindi maghihilom ang bayan kung may bilyon-bilyong galaw ng pera tapos ang sagot ay katahimikan o technicality. Tapos ang pagsagot laging sa press release at press conference, kung saan hindi under oath ang mga nagsasalita. Kailangan ng taumbayan ng malinaw na paliwanag, hindi malabong depensa,” sabi ni Acidre.
Iginiit ni Acidre na hindi dapat ilarawan bilang harassment ang mga mekanismo ng pananagutan dahil humihina ang mga institusyon kapag pinupulitika ang mga lehitimong imbestigasyon.
Tinutukoy ng Article III ang umano’y pamimigay ng suhol at cash envelopes sa mga opisyal ng Department of Education, habang ang Article IV ay tumatalakay sa mga alegasyon ng grave threats, inciting to sedition, at umano’y assassination plot laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.
“Only the evil fear the cleansing power of valid and thorough investigations and trials,” ani Acidre.
“Kapag malinis ang konsensya mo, hindi mo katatakutan ang proseso. Ang matatakot lang sa masusing imbestigasyon ay iyong may ayaw ipakita sa liwanag,” dagdag niya.
Ayon kay Acidre, ang impeachment ang tamang konstitusyonal na forum kung saan dapat manaig ang ebidensya at opisyal na findings kaysa political narratives.
“Ang impeachment ay hindi pandurog ng bansa. Ito ang paraan para tahiin muli ang punit na tiwala ng publiko. Proseso ito ng paghilom ng sugat na dulot ng duda, pagkalito, at pagkakahati-hati ng ating bayan,” aniya.
Sinabi rin niyang natapos na ng Kamara ang mahirap na tungkulin ng pangangalap ng ebidensya at pagsunod sa due process, at ang susunod na hakbang ay hayaang magpatuloy ang prosesong konstitusyonal.
“Kung gusto nating maghilom bilang bansa, huwag nating pigilan ang proseso. Hayaan nating umusad ang katotohanan. Doon lang babalik ang tiwala, doon lang liliwanag ang pananagutan,” sabi ni Acidre.

