Mrs. Mylah Roque Mrs. Mylah Roque

Acop binalaan asawa ni Harry Roque: Sumunod sa show-cause order o aarestuhin

98 Views

BINALAAN ni Antipolo City 2nd District Rep. Romeo Acop nitong Lunes si Mylah Roque, asawa ng dating presidential spokesperson na si Harry Roque, na mapipilitan ang House quad committee na maghain ng arrest order kung hindi siya susunod sa show-cause order na inilabas laban sa kanya.

“Pwede naman siya pumunta at magsabi na I refuse to answer dahil ma-self-incriminate siya… Kung ‘di siya pupunta, isa ‘yan sa pinakamabigat sa rules namin na pwede siyang ma-cite in contempt, for not respecting our invitation,” sabi ni Acop, vice chair ng apat na House panels na bumubuo ng quad committee, sa panayam sa TeleRadyo Serbisyo.

“Kung hindi mo i-honor ‘yung subpoena, we will request that an arrest order be issued against her,” aniya.

Dagdag pa ni Acop, na siya ring chairman ng House committee on transportation, “If the quad committee schedules a hearing and she does not show up despite the invitation, we will issue an order to cite her in contempt.”

Ang pag-isyu ng quad committee ng show-cause order laban kay Mrs. Roque ay isang pagkakataon para ipaliwanag niya kung bakit hindi siya dapat ipaaresto ng joint panel.

Hindi dumalo si Mrs. Roque sa naunang quad comm hearing noong Setyembre 19. Sa halip, nagpadala siya ng liham sa komite na sinasabing siya ay nasa Singapore para sa medical treatment.

Si Harry Roque ay isang pangunahing personalidad sa imbestigasyon ng quad comm tungkol sa mga Philippine offshore gaming operator (POGO).

Ipinaliwanag ni Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers, overall chairman ng quad comm, na inimbitahan si Mrs. Roque upang linawin ang kanyang partisipasyon sa pagpirma ng lease agreement kasama ang mga Chinese nationals na umano’y konektado sa isang POGO complex sa Bamban, Tarlac.

Kinumpirma rin ni Acop na humihingi ang komite ng mga medical records mula kay Mrs. Roque upang mas maunawaan ang kanyang kalagayan.