Sen. Ronald “Bato” dela Rosa Sen. Ronald “Bato” dela Rosa

Acop hinamon si Bato na wag magtago sa ilalim ng saya ni VP Sara

80 Views

HINAMON ni Antipolo City 2nd District Rep. Romeo Acop si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na huwag magtago sa ilalim ng saya ni Vice President Sara Duterte at sa halip ay harapin ang mga akusasyon laban sa kanya kaugnay sa madugong war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo R. Duterte.

Si Dela Rosa ang hepe ng Philippine National Police (PNP) nang ipatupad ang “anti-drug war” ni Duterte kung saan libo-libong Pilipino ang pinaslang.
Sinabi ni Acop na walang basehan ang iginigiit ni Dela Rosa na ang testimonya ni dating Iloilo City Mayor Jed Patrick Mabilog sa quad committee ng Kamara de Representantes ay bahagi ng “demolition job” laban kay VP Duterte at mga kaalyado nito para sa 2028 elections.

“There’s no demolition job here — only legitimate questions that need clear answers. Sen. Dela Rosa should be man enough to face the facts and take responsibility, instead of hiding behind VP Sara’s skirt,” giit pa ni Acop, ang vice chairman ng apat na komite ng Kamara na bumubuo sa quad comm.

Sinabi ni Acop, na siya ring chairman ng House committee on transportation, na layunin ng pagdinig na matuklasan ang katotohanan sa likod ng extrajudicial killings (EJK) na nauugnay sa kampanya kontra-droga ni Duterte, pati na rin ang kaugnayan nito sa mga ilegal na mga Philippine offshore gaming operator (POGO) at ang kalakalan ng droga.

Paglilinaw pa ni Acop na walang pamumulitika sa isinasagawang pagdinig, lalo’t ang testimonya ni Mabilog ay mahalaga sa tinutumbok ng imbestigasyon.

“Former Mayor Mabilog’s testimony is crucial. Our goal is to craft laws that will put an end to these crimes — not to play political games,” punto pa ni Acop.

Sinabi ni Mabilog sa kanyang inilahad na testimonya na pinilit siya na isangkot sina dating Senador Franklin Drilon at Mar Roxas bilang mga drug lord noong kasagsagan ng kontrobersyal na kampanya kontra-droga ni Duterte.

Ibinunyag din ng dating alkalde na siya at ang kaniyang pamilya ay nakatanggap ng mga banta, matapos siyang akusahan ng dating pangulo bilang protektor sa kalakalan ng droga.

Minaliit din ni Dela Rosa ang imbestigasyon ng Kamara at tinawag itong isang “fishing expedition.”

Kinontra rin ni Manila 6th District Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr., chairman ng House committee on human rights, ang pahayag ni Dela Rosa at sinabing ang imbestigasyon ay nakatuon upang mailantad at papanagutin ang mga responsable sa mga pagpaslang.

“Senator Dela Rosa’s claims of ‘demolition job’ and ‘fishing expedition’ are far from the truth. Our committee is committed to addressing systemic problems, and this investigation is about holding those responsible accountable — not playing politics,” ayon kay Abante.

Dagdag pa ng kongresista, “as legislators, it is our duty to seek justice for the victims of illegal drug operations and expose the syndicates behind them. If we fail to do so, more Filipinos will continue to suffer.”

Hinamon din ng mambabatas si Dela Rosa na humarap sa quad comm at doon ipahayag ang kanyang panig kaugnay sa testimonya ni Mabilog.

“Our doors are always open to those who wish to provide the Quad Comm with information that will help us accomplish our task,” ayon kay Abante.

Kapwa binigyan diin nina Acop at Abante na ang layunin ng joint panel ay nakatuon upang malaman ang mga koneksyon sa pagitan ng ilegal na droga, mga POGO at pang-aabuso sa kapangyarihan na umiral sa bansa sa loob ng maraming taon.

Binanggit pa ng dalawang mambabatas na ang mga testimonya ng napakaraming testigo, kabilang na si Mabilog, ay nagpapakita sa malawak na saklaw ng mga krimen at kung paano ito nauugnay sa mas mataas na antas ng kapangyarihan at impluwensiya.

“Ang trabaho ng komite ay imbestigahan at gumawa ng batas para matigil ang mga krimen na ito. Wala kaming pakialam sa eleksyon ng 2028 — ang mahalaga ay ang hustisya para sa mga biktima,” ayon kay Acop.

Ang mega-panel — na binubuo ng mga komite ng dangerous drugs, public order and safety, human rights at public accounts — ay nagsasagawa ng imbestigasyon sa kaugnayan ng ilegal na mga POGO, ilegal na kalakalan ng droga, ilegal na pagbili ng Chinese nationals ng mga lupain kasabwat ang mga tiwaling opisyal ng gobyerno at mga EJK sa panahon ng war on drugs ng administrasyon ni Duterte.