US

Action plan sa nakaambang mass deportation ng undocumented Pinoys sa US kailangan

111 Views

NANAWAGAN si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada sa pamahalaan na gumawa ng action plan kaugnay sa pangambang mass deportation ng mga undocumented na Pinoy sa US dahil sa pagkakapanalo ni Donald Trump.

Ang pahayag ni Estrada bunsod ng paulit-ulit na banta ni Trump na iuutos niya ang “biggest deportation of ilegal migrants” sa kasaysayan ng US sa oras na manalo sa halalan.

Binigyang-diin ni Estrada ang kahalagahan ng proactive na suporta at sinabing ang simpleng pagpapayo sa mga undocumented na Pilipino na bumalik sa bansa maaaring hindi praktikal para sa karamihan, lalo na para sa mga may matatag nang buhay sa US.

“Madaling sabihin, pero mahirap gawin,” ani Estrada.

Binigyang-diin niya ang pangangailangan ng isang contingency plan para magbigay ng logistical support para sa repatriation at masiguro na ang mga bumabalik na Pilipino may access sa mga oportunidad sa trabaho at pangmatagalang kabuhayan.

Tinukoy din ni Estrada ang pangangailangan ng mga oportunidad sa kabuhayan para sa reintegrasyon ng mga bumabalik na Pilipino.

Sinang-ayunan ni Senate President Francis “Chiz” Escudero ang mga pangamba ni Estrada.

Binigyang-diin ni Escudero na kung walang kongkretong plano, maaring magkaroon ng epekto sa ekonomiya ng Pilipinas ang pagbabalik ng mga Pinoy galing sa US.

Iminungkahi ni Escudero na magtatag ang gobyerno ng mga programa para sa financial assistance at reintegrasyon na nakatuon sa mga pamilya at komunidad na lubos na umaasa sa remittances upang maiwasan ang biglaang pagbagal ng ekonomiya.

Nagbabala si Estrada na ang immigration crackdown sa US maaaring makagambala sa tuluy-tuloy na pagpasok ng remittances sa Pilipinas.

Binigyang-diin ni Escudero ang kahalagahan ng agarang paghahanda ngayon at tinukoy ang mga nakaraang pagkakataon kung saan ang biglaang deportasyon nagpahirap sa mga tao.