Adiong1

Adiong: Dapat magpatuloy paglilitis sa Senado ayon sa regular na proseso hangga’t SC walang desisyon

22 Views

SINABI noong Martes ni House trial spokesperson at kinatawan ng Lanao del Sur na si Zia Alonto Adiong na dapat magpatuloy ang impeachment trial sa Senado laban kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte ayon sa regular na proseso, maliban na lamang kung maglabas ang Supreme Court of the Philippines ng desisyong makaaapekto sa kaso.

Si Alonto Adiong, na isang Assistant Majority Leader at chairman ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms, ay nagsabing natanggap na ng Senado ang Articles of Impeachment, nakapagtipon na bilang impeachment court, at nakapagtakda na ng iskedyul para sa mga susunod na hakbang sa paglilitis.

“Naaprubahan at naitakda na ng Senado ang timeline. Maliban na lamang kung magkaroon ng malaki o matinding pagbabago,” ani Alonto Adiong sa panayam ng Bilyonaryo News Channel.

“Hindi natin alam. Pero batay sa mga petsa at timeline na itinakda nila, sigurado akong parehong kampo ay susunod sa summons at writ of summons,” dagdag niya.

Sa inaasahang proseso, padadalhan ang Bise Presidente ng summons upang sagutin ang Articles of Impeachment. Pagkatapos nito, bibigyan ng panahon ang prosekusyon upang tumugon bago magsimula ang pre-trial at mismong paglilitis.

“At malamang sa Hunyo magsisimula ang aktuwal na paglilitis,” pahayag ni Alonto Adiong.

Ayon kay Alonto Adiong, ang pagtanggap ng Senado sa ipinadalang Articles of Impeachment ay dapat nang magtapos sa anumang tangkang balikan ang mga usaping natalakay na ng Kamara matapos nitong magsagawa ng mga pagdinig alinsunod sa due process.

“Akademiko na ang usaping iyan sa puntong ito. Tapos na iyon,” ani Alonto Adiong.

“Tinanggap na nila ang transmittal ng articles of impeachment. Nakasuot na rin sila ng kanilang robes,” dagdag niya.

Binanggit din ng lider ng Kamara mula sa Lanao del Sur na nagsagawa na ng confirmation hearings ang House Committee on Justice at binigyan ng sapat na pagkakataon ang kampo ni Duterte upang humarap, sumagot, at lumahok sa mga pagdinig.

“Kaya ang balikan pa at kuwestiyunin ang proseso ng confirmation hearings na isinagawa namin alinsunod sa desisyon ng Korte Suprema ukol sa due process — napakarami na naming ibinigay na pagkakataon sa kampo ng Bise Presidente at sa kanyang depensa upang humarap sa Justice Committee,” paliwanag ni Alonto Adiong.

Habang kinikilala ang mga nakabinbing usapin sa Korte Suprema, sinabi ni Alonto Adiong na hindi niya pangungunahan ang magiging pasya ng tribunal ngunit iginiit niyang umusad na ang proseso ng impeachment.

“Hindi ko pangungunahan kung ano ang magiging desisyon ng Korte Suprema, pero umandar na ang proseso mula nang ihain ang impeachment hanggang sa pagkuha ngayon ng Senado sa kustodiya ng Articles of Impeachment,” ani Alonto Adiong.

Nang tanungin kung maaaring may magmungkahi na ipatigil muna ang paglilitis habang naghihintay ng aksiyon mula sa Korte Suprema, sinabi ni Alonto Adiong na posible ito.

“Posible iyon. Nasa saklaw iyon ng posibilidad,” aniya.“Pero muli, nakatutok ang buong bansa. Tandaan natin na parehong panig — ang mga sumusuporta sa Bise Presidente at ang mga nais siyang papanagutin — ay lubhang nakatutok sa usaping ito,” dagdag niya.

Ayon kay Alonto Adiong, mahigpit na babantayan ng publiko kung paano kikilos ang Senado dahil ang impeachment trial na ngayon ang itinakdang konstitusyonal na forum upang dinggin ang ebidensiya at depensa.

“Kaya nakatingin ang buong bansa kung paano kikilos ang Senado pagdating sa pagpapatuloy ng aktuwal na paglilitis,” aniya.

Sinabi rin ng mambabatas na kung walang desisyon ang Korte Suprema na magpapahinto sa proseso, dapat magpatuloy ang Senado dahil tungkulin nitong litisin at magpasya, at hindi ito nakabatay sa personal na kagustuhan ng mga senador.

“Kung walang ganoong desisyon, dapat dumaan ito sa regular na proseso dahil ang tunay na tanong ay hindi kung paano titingnan ng bawat senador ang articles of impeachment,” paliwanag ni Alonto Adiong.

“Ito ay kanilang tungkulin. Hindi ito personal na kagustuhan ng mga senador, hindi ito kanilang opsyon — ito ay mandato sa kanila ng Konstitusyon upang litisin at magpasya,” dagdag niya.

Sinabi rin ni Alonto Adiong na anumang pagpupumilit na maantala ang proseso ay kailangang maipaliwanag sa sambayanang Pilipino, na mahigpit na sumusubaybay sa kaso mula pa sa mga pagdinig sa Kamara hanggang sa pagbuo ng Senado bilang impeachment court.

“Ang tanong ay bakit? Bakit, halimbawa, kung mangyari man iyon, bakit patuloy pa rin nilang ipinagpipilitan na ipagpaliban ang proseso?” tanong ni Alonto Adiong.

“Sa tingin ko, hihingi ng paliwanag ang sambayanang Pilipino,” dagdag niya.

Ayon pa kay Alonto Adiong, ang impeachment trial ay isang pagsubok kung kayang manaig ng mga institusyon laban sa pamumulitika at payagang gumana ang mekanismo ng pananagutan na itinakda ng Konstitusyon.

“Isa itong litmus test para sa ating lahat upang manaig laban sa partisanship at maging tunay na statesmen dahil ang Senado ang huling tanggulan ng demokrasya,” diin niya.

“Kaya umaasa tayo na kikilos sila ayon sa interes ng mamamayan at sa itinatadhana ng Konstitusyon dahil gaya ng lagi kong sinasabi kapag tinatanong ako, usapin ito ng pananagutan,” dagdag niya.

Sinabi niyang malinaw ang prinsipyong nakataya para sa sinumang naniniwala na ang mga opisyal ng gobyerno ay dapat managot sa ilalim ng batas.

“At kung malinaw sa iyo na naninindigan ka para sa pananagutan at sa paniniwalang walang sinuman ang nakahihigit sa batas, malinaw kung saang panig ka dapat manindigan,” pagtatapos ni Alonto Adiong.