Adiong

Adiong iginiit na hindi dapat ilihis ng depensa ang usapin sa teknikalidad ng dokumento

Mar Rodriguez Jul 14, 2026
33 Views

IGINIIT ni House prosecution panel spokesperson at Lanao del Sur Rep Zia Alonto Adiong na hindi dapat ilihis ng hanay ng depensa ang usapin ng teknikalidad sa dokumento sa kabila ng may matibay na batayang nakita ang National Bureau of Investigation (NBI) para isampa ang kasong grave threat at inciting to sedition laban sa respondent na si Vice President Sara Z. Duterte.

Binigyang diin ni Adiong na hindi dapat matabunan ng pagtutok ng depensa sa mga umano’y clerical errors o pagkakamali sa mga dokumento ang pangunahing usapin sa impeachment trial. Ang testimonya sa ilalim ng panunumpa na nagsasabing nakakita ang NBI ng “prima facie” na ebidensya na may “reasonable certainty of conviction”, na naging batayan ng rekomendasyon nitong magsampa ng tatlong kasong “Grave Threats” at isang kasong “Inciting to Sedition” laban kay Duterte.

“Ang nakikita natin ngayon ay pagtatangkang ilipat ang usapan mula sa substance ng testimonya patungo sa technicalities ng ilang dokumento. Huwag tayong malihis,” sabi ni Adiong.

“Ibalik natin ang usapan sa testimonya ng testigo, hindi sa encoding ng mga dokumento,” dagdag pa ni Adiong.

Sinabi pa ni Adiong na may buong karapatan ang depensa na kuwestiyunin ang mga dokumentong inihaharap sa hukuman.

“Bahagi iyan ng due process. Lahat ng alegasyon ay dapat dinggin at suriin ng Impeachment Court,” wika pa ni Adiong.

Ngunit sinabi niyang dapat ding itanong ng publiko ang isang simpleng tanong: “Nagbago ba ang testimonya ng testigo?”

At ayon sa kanya: “Ang sagot ay hindi.”

“Hindi nagbago ang isang salita sa testimonya ng testigo dahil lamang sa sinasabing typo o clerical error sa isang dokumento,” aniya.

Ayon kay Adiong, nananatiling pareho ang mahalagang bahagi ng testimonya.

“Ayon sa mismong testimonya ng testigo, matapos suriin ang mga ebidensiyang nakalap sa imbestigasyon, ang NBI ay nakakita ng prima facie evidence with reasonable certainty of conviction. Iyon ang naging batayan ng rekomendasyon nitong magsampa ng tatlong bilang ng Grave Threats at isang bilang ng Inciting to Sedition. Iyan ang testimonya. Iyan ang ebidensiyang dapat timbangin ng Impeachment Court,” sabi pa ng kongresista.

Sinabi rin ni Adiong na dapat laging tiyakin ng mga ahensya ng gobyerno ang katumpakan ng kanilang mga opisyal na dokumento. Gayunman, hindi aniya lahat ng sinasabing pagkakamali ay may parehong legal na bigat.

“Ang tanong ay hindi kung may typo. Ang tanong ay kung ang sinasabing pagkakamali ay material—kung binago ba nito ang mga katotohanan, naapektuhan ba nito ang ebidensiya, o napinsala ba nito ang karapatan ng respondent. Iyan ang dapat pagpasiyahan ng hukuman,” aniya.

Pinaalalahanan din niya ang publiko na huwag ipagkamali ang mga umano’y clerical error sa mismong ebidensya.

“Paperwork should always be accurate. Ngunit ang paperwork ay hindi ang ebidensiya. Ang recordings, ang testimonya ng testigo, at ang findings na kanyang ipinaliwanag sa ilalim ng panunumpa ay magkakahiwalay na usapin at dapat suriin batay sa kanilang sariling bigat at halaga,” ayon kay Adiong.

To God be the Glory